Umapela sa Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang abogado ng binawian ng korona na si 1997 Mutya ng Pilipinas Esabela Cabrera para lakihan ang ibabayad na danyos ng organizer ng nasabing beauty pageant, dahil sa mga paghihirap ni Cabrera sa loob ng 16 taon.
Sa limang-pahinang motion for reconsideration, sinabi ni Atty. Nelson Borja, abogado ni Cabrera, na dumanas ang kanyang kliyente ng galit, pagkapahiya at maraming taon na nagtiis ang pamilya dahil sa sinapit na unfair dethronement ng beauty queen.
Inihain ang mosyon sa sala ni Judge Ma. Rita Bascos-Sarabia ng QCRTC Branch 221 para atasan ang pageant organizer na bayaran si Cabrera ng P400,000 bilang nanalong Mutya ng Pilipinas noong 1997.
Iniutos na ng korte na bayaran ng organizer si Cabrera ng P500,000 bilang moral damages, P100,000 exemplary damages at P100,000 attorney’s fees.
Sa mosyon ni Borja, hiniling sa hukuman na dagdagan ang bayadpinsala kay Cabrera ng hanggang P420,000, ang moral damages ay itaas sa P500,000 hanggang P1 milyon, P100,000-P300,000 sa exemplary damages, at P100,000-P150,000 na attorney’s fees.
Binawi ng pageant organizer kay Cabrera ang titulong 1997 Mutya ng Pilipinas sa mismong coronation night noong Mayo 3, 1997 makaraang mapaulat na buntis siya at ikakasal na sa kanyang nobyo. – Jun Fabon
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment