Naglabas ang Home Development Mutual (Pag-IBIG) Fund ng mahigit P19 milyon na calamity loan para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan sa bakbakan sa Zamboanga City, ayon kay Vice President Jejomar C. Binay.
Setyembre 25 nang kumpletong nakapagproseso ang Pag-IBIG Fund- Zamboanga ng 933 loan application na nagkakahalaga ng P19,030,577.
Aabot sa mahigit 2,500 ang kasalukuyan pang ipinoproseso para maaprubahan.
Bukas ang Pag-IBIG Fund-Zamboanga mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi, at Sabado, 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali.
“We at the housing sector intend to help our kababayans in Zamboanga rise up from this tragedy, even as we pray that peace finally reign in Mindanao,” sabi ni Binay.
Sinabi ni Binay na bukas din ang calamity assistance program ng Pag-IBIG sa mga miyembrong overseas Filipino worker (OFW) at sa pamilya ng mga itong naapektuhan ng krisis.
Magbibigay ang National Housing Authority ng resettlement para sa mga nawalan ng tirahan sa Zamboanga City, habang P5,000 halaga ng building materials ang ayuda sa mga pamilya na bahagyang nasira ang bahay.
Nasa 15,000 pamilya ang nawalan ng bahay dahil sa halos tatlong linggong paglalaban ng militar at Moro National Liberation Front (MNLF).
Idineklara kahapon ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na tapos na ang krisis sa lungsod, bagamat nagpapatuloy pa ang clearing operations ng militar. – Bella Gamotea
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment