Ni Leonel Abasola
Tiwala si Senate President Franklin Drilon na makababawi pa rin mula sa mga negatibong pananaw ang mataas na kapulungan dahil na rin sa mga repormang ipapatupad sa ilalim ng kanyang pamunuan.
Kinumpirma rin ni Drilon na nakatanggap siya ng mahigit P100 milyon mula sa Disbursement Acceleration Fund (DAF) at ito ay ipinondo niya sa pagpapagawa ng mga kalsada at pagpapatayo ng convention center bilang bahagi na rin ng balak ng Iloilo na sa lalawigan idaos ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa 2015.
Sinabi ni Drilon na sigurado siya na napunta sa proyekto ang nabanggit na pondo at hindi sa mga pekeng non government organizations (NGOs).
Muling iginiit ni Drilon na ang nabanggit na halaga ay hindi suhol sa pag-convict sa napatalsik na si dating Chief Justice Renato Corona.
Ipinaliwanag pa nito na ang DAF ay pera ng gobyerno na dapat gastusin sa mga proyekto na tutukuyin ng mga opisyal, kabilang na ang mga senador, kongresista at maging local government unit (LGU) at iba rin ito sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Aniya, ang PDAF ay nakalagay sa annual budget habang ang DAF naman ay nasa “savings” ng gobyerno.
Snabi pa nito na noon ay pinupuna ang gobyerno dahil hindi gumagastos, kaya ang ginawa ng Department of Budget and Management (DBM) ay ipinamahagi ito sa kanila.
Sinabi rin ni Sen. Francis Escudero na nakatanggap din siya ng DAF pero ito ay hindi ginamit sa mga pekeng NGO at inilaan niya ito sa mga provincial at national hospital at sa rehabilitasyon ng mga palengke, batay sa kahilingan ng mga LGU.
Matatandaang lumutang ang DAF matapos na banggitn ni Sen. Jinggoy Estrada na may P50 milyon na ipinamahagi ang DBM matapos ang botohan kay Corona, pero nilinaw na hindi ito suhol.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment