Sunday, December 1, 2013

Ituloy natin ang laban—PNoy

Ni Madel Sabater-Namit


Sinabi kahapon ni Pangulong Benigno S. Aquino III na ang kabayanihan ni Andres Bonifacio ay patuloy na isinasabuhay ng bawat Pilipino, ginawang malinaw na halimbawa ang diwa ng bayanihan ng mga Pinoy matapos manalasa sa Visayas ang super bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8



Pinangunahan ng Pangulo ang paggunita kahapon sa ika-150 anibersaryo ng pagsilang ni Gat Andres Bonifacio sa Bonifacio National Monument sa Caloocan City.


Aniya, si Bonifacio ang simbolo ng karaniwang Pinoy. “Marahil, wala na ngang mas aangkop pang panahon upang sama-sama nating kilalanin ang kadakilaan ni Andres Bonifacio kundi sa pagkakataong muling sinusubok ang katatagan ng Pilipino, at ang pagmamahal ng bawat isa sa tinubuang lupa,” sinabi ni Pangulong Aquino.


Sa harap ng matinding pinsalang idinulot ng bagyong ‘Yolanda’, na ikinasawi ng mahigit 5,000 at nagwasak sa maraming imprastruktura, sinabi ni Pangulong Aquino na unti-unti nang bumabangon ang mga nasalanta ng bagyo dahil na rin sa tulong ng mga kapwa Pilipino.


“Nariyan ang mga kawal, pulis, at bomberong nagtaya ng kanilang sariling buhay sa pagsalba sa mga nasalanta, at araw-gabing nagtipon sa mga labi ng nasawi; mga nurse at doktor, na nagtayo ng mga sariling tolda upang makapaghatid ng agarang-lunas at makapagbigaykalinga; mga volunteer sa loob at labas ng bansa, mula sa pribado at pampublikong sektor—nakabarong man, unipormado, estudyante, may titulo o wala— na nag-alay ng donasyon at kapit-kamay na nag-empake ng relief goods para sa mga pamilyang nabiktima,” aniya.


“Tunay po, sa panahong ito’ng humaharap tayo sa dambuhalang pagsubok, marami sa atin ang nagpaka-Pilipino.”


Sinabi pa ng Pangulo na sa paggunita sa ika-150 kaarawan ni Bonifacio ay pinaaalalahanan ang bawat Pinoy na agad na bumangon pagkatapos ng bawat pagsubok dahil laging may pagasa at may solusyon ang bawat problema.


“Ang kanya lamang panawagan sa atin ngayon: Ituloy lang natin ang laban. Hindi kailangan pang hintaying maharap muli ang bansa sa isang malaking problema o sakuna, bago tayo kumilos at magkaisa,” sabi ni Pangulong Aquino.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Ituloy natin ang laban—PNoy


No comments:

Post a Comment