Monday, December 30, 2013

Smart Gilas Pilipinas, gumawa ng kasaysayan

Ni Marivic Awitan


Hindi maikakaila na ang pinkamalaking balitang naganap, maliban sa iba pang isports, ay ang pagtatapos ng Smart Gilas Pilipinas bilang silver medalist sa nakarang FIBA-Asia Championships na idinaos sa bansa noong nakaraang Agosto.



Sa ikalawang pagkakataon, matapos ang unang pagdaraos ng torneo sa bansa noong 1973, may 40- years na ang nakalilipas, muling idinaos sa bansa ang FIBA Asia Championships kung saan ay nakapagtala ang Pilipinas ng record bilang pinaka-well attended FIBA Asia sa nakalipas na mga taon matapos dagsain ng libu-libong basketball fans ang MOA Arena para suportahan ang Gilas.


Bagamat hindi napasakamay ang gold medal, ang pagwawagi ng Gilas ni coach Chot Reyes ay halos katumbas na na rin ng gold na napunta sa mga Iranians dahil nagawang makamit ng koponan ang isa sa tatlong slots na nakalaan para sa Asian countries sa darating na FIBA World Cup na gaganapin sa Spain sa Agosto 30-Setyembre 14, 2014.


Ang tagumpay ng Gilas ang pinakamataas na pagtatapos na nitala ng sinumang national team sa nasabing torneo kasunod sa pagwawagi ng titulo ng koponang ginagabayan noon ng yumaong si coach Ron Jacobs sa Kuala Lumpur edition noong 1985.


Bukod sa nasabing panalo ng Gilas, mayroon ding mangilan-ngilang magagandang pangyayari na naganap sa basketball sa bansa sa mamamaalam na taon, kabilang na rito ang naging tagumpay ng mga kabataang manlalaro na sina Arvin Tolentino ng San Beda College, Thirdy Ravena ng Ateneo, Prince Rivero at Kobe Paras ng La Salle Greenhills sa FIBA-Asia Under 18 3×3 championship na idinaos sa Bangkok, Thailand.


Sa pagmamando ni coach John Flores, nagsimula ang kampanya ng mga kabataang Pinoy sa pamamagitan ng 14-17 pagkatalo sa Qatar.


Ngunit matapos noon ay winalis na nila ang sumunod nilang mga laban bago talunin ang India sa finals, 21-19.


Kabilang sa kanilang mga binigo, bago dumating ang kampeonao, ay ang Chinese-Taipei, 20-18 sa overtime, Syria, 17-13, Indonesia, 20-13, Japan, 21-18, at China, 22-18.


Ngunit pagdating sa FIBA World, matapos nilang ibaon ang Chinese-Taipei, 13-5, Guatemala, 18-9 at Andorra 15-11, natalo ang team sa isang kontrobersiyal na laro sa kamay ng China.


Naunang na-fouled out sina Paras, Rivero at Ravena kaya’t naiwang magisang lumalaban si Tolentino kung saan lamang pa ang mga Pinoy ng isa, 6 na segundo na lamang ang natitira sa laro.


Ngunit bago maubos ang oras, tinawagan si Tolentino ng kanyang huling foul na naging dahilan upang igawad sa China ang panalo sa iskor na 20-0, na mistulang porfeiture dahil wala nang natirang player.


Mula doon, sunud-sunod na ang kanilang talo, 11-12 sa Bulgaria, 14-19 sa Czech Republic, at 14-21 sa USA para tuluyang mawala sa kontensiyon.


Ngunit hindi naman doon natapos ang pagpapakilala sa mundo ng mga Pinoy matapos na magwagi si Paras sa slam dunk competition.


Tuluy-tuloy ang pagbango ng pangalan ng Pilipinas sa international scene nang magdaos dito ng unang NBA pre-season game sa pagitan ng Houston Rockets at ng Indiana Pacers noong Oktubre 10 sa MOA Arena sa Pasay City.


Kaalinsabay nito ay ang pagdating sa bansa ng mga kilalang manlalaro ng NBA bilang bahagi ng promosyon ng laro na tinaguriang NBA Global Games na gaya nina Tyrone Bogues, Sam Perkins, LeBron James, Kobe Bryant, Derrick Rose, James Harden, Eric Gordon, Ron Harper, Clyde Drexler, Robert Horry, Jalen Rose at George Raveling.


Sa PBA naman, sa ikalawang sunod na taon, ay nagkaroon ng tatlong mgkakaibang koponang nagkampeon sa tatlong conference ng liga.


Inangkin ng Talk ‘N Text ang opening Philippine Cup conference title habang nagwagi naman ang Alaska sa sumunod na Commissioner’s Cup bago kinopo ng San Mig Coffee ang Governors’ Cup championship.


Naitala din ang record na highest attendance sa liga na umabot sa bilang na 23,436 at sa Game 2 ng laban ng Alaska at Barangay Ginebra sa Commissioner’s Cup na idinaos sa Araneta Coliseum kung saan ay pinarangalan si Arwind Santos ng Petron bilang MVP, si Calvin Abueva ng Alaska bilang Rookie of the Year, Alaska coach Luigi Trillo bilang Coach of the Year at si San Mig Coffee forward Marc Pingris bilang Defensive Player of the Year ng mga miyembro ng PBA Press Corps.


Samantala, sa collegiate ranks, nangibabaw naman ang De La Salle University at San Beda College bilang kampeon sa kanilang mga liga. At sa hindi sinasadyang pangyayari, kapwa ginabayan ang dalawang koponan ng mga rookie coaches na sina Juno Sauler para sa Green Archers at Boyet Fernandez naman para sa Red Lions.


Mula sa mababang panimula sa first round, winalis ng Green Archers ang second round bago natalo sa Game One ng best-of-three finals series nila ng University of Santo Tomas Tigers.


Kasunod noon ay winalis na nila ang nalalabing dalawang laro sa finals series sa pangunguna ni finals MVP na si Jeron Teng upang maangkin ang titulo.


Gaya sa UAAP, napuwersa din hanggang Game Three sa finals series ang archrivals San Beda at Letran sa NCAA ngunit sa huli ay ang Red Lions pa rin ang nagwagi para sa kanilang ikaapat na sunod na titulo sa liga sa pamumuno ng finals MVP na si Art dela Cruz.


At sa pagtatapos ng taon, hinakot ng Sinag Pilipinas ang lahat ng kanilang laro upang angkinin at iuwi ang gold medal para sa men’s basketball sa Myanmar SEA Games.


Ang panalo ng koponan na ginabayan ni coach Jong Uichico at binubuo ng mga kilalang collegiate basketball stars na sina Roy Sumang, Jericho Cruz, Garvo Lanete, Jake Pascual, Matt Ganuelas, Ronald Pascual, Kevin Alas, Bobby Ray Parks, Kiefer Ravena, Prince Caperal, Mark Belo at ang naturalized center na si Marcus Douthit ang ika-16 sa pangkalahatang gold medal ng bansa sa nasabing event ng biennial meet.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Smart Gilas Pilipinas, gumawa ng kasaysayan


No comments:

Post a Comment