Sa Pilipinas, ipinagdiriwang sa labis na kasiyahan ang Bisperas ng Bagong Taon. Ang mga miyembro ng pamilya ay nagsusuot ng bagong damit, ang iba nakapolka dots na kamiseta at nagsisimba. At pagkatapos, nagtitipun-tipon sila para sa tradisyunal na Media Noche na kalimitang nasa sentro ng hapag-kainan ay ang litsong baboy, hamon, keso de bola, fruit salad, leche flan, at isang dosenang bilog na prutas. Nagpapasalamat ang pamilya sa Panginoong Diyos para sa taon na nagdaan at upang maging mas mabuti ang 2014.
Maraming pamilya ang nagpapatuloy ng nakagisnang tradisyon na nakaangkla sa paniniwala na magdudulot ito ng suwerte. Tinitiyak nila na ang kanilang mga pitaka at bag ay may mga barya. Inaalog nila ang sisidlang lata na may barya. Nakasindi ang lahat ng ilaw sa tahanan bago sumapit ang hatinggabi upang makaakit ng magandang kapalaran at mas malinaw na pagdedesisyon sa buong taon.
Hinihimok ng mga magulang na tumalon ang kanilang mga anak sa taas na kanilang makakaya upang sila ay tumangkad. Ang iba naman, binabasa nang malakas ang kanilang New Year’s resolutions upang matiyak ang mga ito ng iba pang miyembro ng pamilya. At, sa kabila ng masidhing pagsisikap ng ilang ahensiya ng gobyerno na ipagbawal ang pagpapaputok, halos lahat ng pamilya ay nagsisindi ng kuwitis sa kanilang mga bakuran o sa kalyeng tapat ng kanilang bahay.
Kahit sa ano mang paraan natin ipagdiwang ang Bisperas ng Bagong Taon, panatilihin nating ligtas ang ating mga pamilya sa kasagsagan ng selebrasyon. Gayon din naman, upang lumapat sa kahirapan ng panahon ngayon at sa pagsaalang-alang ng libu-libong pamilyang hindi man lamang makabili ng disenteng pagkain, panatihin nating matipid ngunit makahulugan ang ating mga aktibidad na tunay na nagpapatibay ng ating pamilya.
Ang Manila Bulletin, sa pangunguna ng Chairman of the Board of Directors na si Dr. Emilio T. Yap, President and Publisher Atty. Hermogenes P. Pobre, Executive Vice President Dr. Emilio C. Yap III, Editor-in-Chief Dr. Cris J. Icban Jr., Business Editor Loreto D. CabaƱes, iba pang opisyal at kawani, sa pagsalubong ng Bagong Taon, ay humihimok sa ating mga mambabasa na hilingin sa Diyos na gabayan tayo upang maging mas mainam ang 2014 na may pag-asa, kapayapaan at pagmamamal sa ating pamilya at ng Republika ng Pilipinas at buong mundo. MABUHAY!
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment