Ni Bella Gamotea
Isang magandang balita ang nakaantabay sa mga consumer.
Asahan na ang big time price rollback sa liquefied petroleum gas (LPG) sa unang linggo ng 2014.
Bagamat hindi naglabas ng taya, posibleng malaki ang ibababa sa presyo ng cooking gas ng mga kumpanya ng langis at iba pang LPG retailers.
Magugunitang inulan pa ng batikos ang Department of Energy (DoE) nang magtaas noong Disyembre 2 ang Petron ng P14.30 sa kada kilo ng LPG, katumbas ng P157 sa bawat 11-kilogram na tangke ng Gasul at P7.99 sa auto-LPG.
Nagpatupad din ang Solane ng P11 taas-presyo o P120 sa regular na tangke ng cooking gas, habang P13 naman ang sa Total at Liquigaz, dahil umano sa pagtaas ng contract price ng LPG sa pandaigdigang pamilihan, at malaki ang demand nito dahil taglamig sa ibang bansa.
Hindi naman ligtas sa price hike ng Petron ang mga lugar na sinalanta ng bagyong ‘Yolanda,’ kabilang ang Aklan, Bohol, Leyte at Samar, na hinati lang sa dalawang bahagi; P8 ang itinaas ng LPG noong Disyembre 2 at ang natitirang P6.30 ay ipinatupad noong Disyembre 15.
Samantala, may masamang balita naman sa mga motorista, dahil nakaambang tumaas ang presyo ng petrolyo.
Tinatayang mahigit P1 ang idadagdag sa kada litro ng gasolina, habang P0.50 naman sa diesel, bunga sa paggalaw ng presyuhan ng langis sa international market.
Disyembre 17 huling nagpatupad ng price hike ang Petron, PTT Philippines, Seaoil at Total, nagdagdag ng P0.40 sa gasolina ngunit tinapyasan ng P0.55 ang diesel, habang hindi nagbago ang presyo ng kerosene.
Ang price adjustment ay hindi ipinatupad sa mga lugar na sinalanta ng lindol at bagyo.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment