Ni Angie Oredo
Hindi makapagdesisyon ang Philippine women’s tennis No. 1 player na si Marian Jade Capadocia kung alin sa pitong unibersidad sa Estados Unidos at Europa na nag-aalok sa kanya ng athletic scholarships ang pipiliin sa pagtuntong sa kolehiyo ngayong 2014.
Inamin ni Capadocia na inalok siya ng pitong unibersidad na bigyan ng athletic scholarship kung saan ay pinapaboran nito ang pag-aaral sa US kung saan ang nakatatanda niyang kapatid na babae ay nagtatrabaho bilang midwife.
“Tapos na po ako ng high school sa Mabini Campus sa Arellano University, kaya I’m ready na po for college. Iniisip ko po either sa University of Mississippi or University of Texas,” sinabi ni Capadocia.
Ito ay dahil ang UM Ole Miss Rebels at UT Longhorns ay kapwa nasa Division I sa US National Collegiate Athletic Association kung saan ang huli ay nagawang iuwi ang women’s title noong 1993 at 1995.
Kasalukuyang kumakampanya ang 18-anyos na si Capadocia sa dalawang torneo na sanctioned ng International Tennis Federation (ITF) at Women’s Tennis Association (WTA) sa Hong Kong Victoria Park Tennis Court.
Huling nabigo ang laking San Jose, Antique na makatuntong sa main draw ng $25,000 Hong Kong Tournament kung saan ay nalasap nito ang 7-5, 2-6, 1-6 decision kontra No. 2 seed na si Na Lee Han ng South Korea sa qualifying round.
Sumabak din si Capadocia sa aksiyon sa $10,000 Chevalier Hong Kong ITF-WTA Women’s Circuit Series 2013 kung saan ay nakuha nito ang silya sa main draw matapos ang magkakasunod na panalo sa qualifying round.
Pinatalksik nito ang top seed na si Abbie Myers ng Australia, 4-6, 6-4, 6-3, bago hinablot ang isa sa walong silya sa main draw sa paghugot ng 6-3, 6-4 panalo kontra kay Chinese Taipei Chia Hsien Yang.
Gayunman, ang kampanya nito ay agad naputol matapos ang 6-3, 6-1 kabiguan sa French bet na si Chloe Pacquet sa main draw tungo sa pagkakalasap sa kanyang pangkalahatang singles record na 35-22 (panalo-talo).
Huling nagwagi si Capadocia sa katatapos lamang na 32nd Philippine Columbian Association Open sa nakaraang Disyembre 2013 sa paghugot sa kanyang ikatlong sunod na korona matapos itala ang 6-1, 7-5, 6-4 panalo kontra kay Anna Clarice Patrimonio.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment