Ni Hannah L. Torregoza
Bago pa mag-adjourn ang Senado para sa holidays noong Disyembre 18, inilarawan ni Senate President Franklin Drilon na “very challenging” ang karanasan ng Senado ngayong 2013, na ayon sa kanya ay isang “fulfilling year.”
Mapaghamon dahil naharap ang mataas na kapulungan sa matitinding kontrobersiya na sumubok sa paninindigan nito sa transparency at sa mga hakbangin nito laban sa korupsiyon.
Wala sa hinagap ni Drilon na sa pamumuno niya sa Senado ay mahaharap siya sa napakahirap na tungkuling ibalik ang tiwala ng publiko sa Senado, na mismong mga miyembro ay nasangkot sa eskandalo—partikular sa pork barrel fund scam.
Bago pa ideklara ng Korte Suprema na labag sa batas ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), sa unang pagkakataon ay 15 senador ang tumanggi na sa kani-kanilang pork barrel sa gitna ng matinding galit ng publiko laban sa umano’y maanomalyang paggastos sa pera ng taumbayan upang pondohan ang mga pekeng non-government organization (NGO) na kontrolado umano ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Sa 24 na senador, tatlo ang kinasuhan ng plunder kaugnay ng scam—sina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, Senators Jose “Jinggoy” Estrada at Ramon “Bong” Revilla, Jr.—bagamat nadawit din sa kontrobersiya ang iba pa nilang kasamahan, kabilang si Drilon.
“It has been a very challenging and fulfilling year. During my first six months as the Senate President, the challenge is how to restore the people’s confidence in the Senate as an institution,” sabi ni Drilon.
“I think we have succeeded, maybe not fully, because it is a work in progress to completely bring back the confidence of our people. But unprecedented, we gave up our PDAF even before the SC ruled it as unconstitutional. We have given up the PDAF and realigned the budget to calamity funds in order to help our people in Visayas and Mindanao,” ani Drilon, tinukoy ang pananalasa ng super bagyong ‘Yolanda’ sa ilang lugar sa Visayas noong Nobyembre 8.
Nangako naman si Drilon na buong kumpiyansang haharapin ng Senado ang Bagong Taon, isusulong ang mga batas na magsusulong ng transparency at tapat na pamamahala, kabilang ang Freedom of Information (FOI) bill.
Una nang sinabi ni Senator Teofisto “TG” Guingona III na ipagpapatuloy ng kanyang Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa pork barrel fund scam sa pagbubukas ng sesyon sa Lunes, Enero 6.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment