Dear Santa Claus,
Sana po ay nasa mabuti kayong kalusugan, kahit na nagkakatunawan na ang mga yelo diyan sa North Pole dahil sa Climate Change.
Matagal ko po itong pinag-isipan, Santa. Matagal din po kasi akong nagtampo sa inyo dahil last Christmas, hinintay ko ang pagdating n’yo, mukhang naligaw ang mga reindeer n’yo. Ngayon, sumusulat po ako dahil iniisip ko na baka puwede po akong humingi ng pabor sa inyo kahit tapos na ang Pasko. Maraming batang gusgusin po ang naghintay noong
gabing iyon para sa inyong regalo, na hindi naman dumating kahit ang inyong masayang Ho-ho-ho!
Katulad ng lahat ng mga bata, gusto ko rin po ng mga regalo tuwing Pasko. Kaya po nang mabalitaan ko sa mga kalaro ko ang tungkol sa inyo, natuwa ako. Sabi nila, magsabit lang daw ako ng isang medyas sa bintana—gabi ng December 24, at kinabukasan may matatanggap na raw po akong regalo mula kay Santa Claus. Pag bihira lang po kayong makatanggap ng pamasko, magiging excited po talaga kayo.
Kahit na hindi ko po ma-imagine kung anong laruan, libro, damit, o pagkain lang kaya ang magkakasya sa isang medyas, naghanap pa rin po ako. Palihim lang, kasi siguro madamot akong bata at gusto kong masolo ang regalo ninyo. Pinilit kong maghanap ng mas malaki-laki, Santa, para makasigurong mas malaki-laki rin ang magkakasya. Kaya lang, isang maliit na lumang medyas lang po ang aking nakuha.
Binantayan ko po ang bintana’t nagenjoy sa pag-i-imagine kung ano kaya ang regalo ninyo sa akin. Hanggang sa nakatulugan ko na iyon at nakalimutan din kinaumagahan. Ganoon po yata talaga ang malnourished na bata, Santa, malilimutin. Naalala ko na lang ang medyas nang tanungin kami ng nanay namin kung sino at bakit nakakalat ang isang medyas namin. Gumawa po ako ng kuwento para hindi mapahiya, Santa.
Kaya ako po’y nalungkot nang Paskong iyon at nagtampo. Pero ngayong malaki na ako at kaya nang bumili ng sariling medyas ko, nais ko po sanang humiling sa inyo. Tutal, nakalimutan ninyong idaan ang regalo ninyo noon: Sana po sa susunod na Pasko, bumisita kayo at pakidalhan po ninyo ng regalo ang kahit po isa lang na gusgusing bata. Maraming salamat po sa generosity n’yo, Santa.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment