May isang babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. Sa pagakyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na nina Jose at Maria ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazareth sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
PAGSASADIWA
Napuspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahangloob ng Diyos. ● Malaki ang papel na ginagampanan ng magulang sa pagpapalaki sa mga bata. Ang mabuting magulang ay nag-aakay sa mga anak patungo sa Diyos. Si Jesus ay lumaking kalugud-lugod sa paningin ng Diyos sapagkat mabuti ang aral na itinuro sa kanya nina Maria at Jose. Sila ay tunay na halimbawa kung papaano maging mabuting magulang. Ang pagiging magulang ay isang misyon mula sa mapagmahal na Diyos. Ang pagpapabaya sa mga anak ay pagtataksil sa kalooban ng Diyos.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment