Saturday, November 16, 2013

Zamboanga City evacuees, miserable pa rin kahit wala nang bakbakan

Ni Nonoy E. Lacson


ZAMBOANGA CITY – Sadya ba’ng binibitiwan ang matatamis na pangako upang mapako lang sa bandang huli? Ito ang namumunini sa isipan ng evacuees na nananatili sa Joaquin F. Enriquez Sport Center (JFE)—ang pinakamalaking evacuation center sa Zamboanga City—kaugnay ng mga ipinangako sa kanila ng gobyerno, sa pamamagitan nina Pangulong Benigno S. Aquino III at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.



Anila, nangako sina Pangulong Aquino at Roxas na magkakaroon sila ng maayos na pamumuhay, disenteng bahay at sapat na pagkain kapag natapos na ang bakbakan ng militar at ng Moro National Liberation Front (MNLF).


“Ngayon, pakiramdam namin ay pinabayaan na nila kami. Ang atensiyon na lang nila ay nasa mga biktima ng lindol at bagyong ‘Yolanda’ na matinding nanalasa sa Tacloban,” himutok ng isang grupo ng evacuees sa JFE.


“Saan na ang pangako n’yo, Mr. President at Secretary Roxas?” aniya. “Hirap na hirap kami dito sa evacuation

center dahil madumi rito at walang pagkain.”


Ayon sa isang 41-anyos at ayaw magpabanggit ng pangalan na evacuee, na kasama ang limang anak sa JFE, mistulang napabayaan na sila ng gobyerno at nakalimutan na ang pangako sa kanilang ibabalik sila sa kani-kanilang komunidad kapag natapos na ang bakbakan, na umabot ng tatlong linggo.


Sinabi ng impormante na mahigit 30 evacuee sa JFE ang namatay sa komplikasyon na dulot ng maruming kondisyon at kawalan ng pagkain.


Sinabi niyang binibigyan sila ng food packs ng Zamboanga City Social Welfare and Development Office kada lima hanggang anim na araw, ngunit karaniwang nakatambak lang ang bigas at iba pang relief items sa bodega ng nasabing tanggapan sa JFE at nababasa ng ulan—pero ibinibigay pa rin sa evacuees.


Ayon sa kanila, napipilitan na ring magnakaw ang ilang evacuees upang makasapat sa araw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.


“Hindi mangyayari ang pagnanakaw kung binibigyan nila kami ng pagkain. Minsan, binibigyan nila kami ng bulok na bigas, na ‘pag niluto at kinain ay sumasakit ang tiyan namin at nagtatae kami,” sabi pa ng impormante.


“Pauwiin na nila kami. Miserable ang buhay dito sa evacuation; walang kuryente, natutulog kami sa lapag, limitado ang tubig at mabaho rito araw-araw,” himutok pa niya.


Natatandaan nilang sinabi ni Pangulong Aquino na maglalaan ang gobyerno ng P3.9 bilyon para sa agarang rehabilitasyon ng Zamboanga City.


Daan-daan ang nasawi sa 23-araw na paglalaban ng militar at MNLF, at mahigit 122,000 katao ang lumikas makaraang silaban ng mga rebelde ang mahigit 10,000 bahay sa mga barangay ng Rio Hondo, Mariki, Sta Barbara, Sta Catalina at Kasanyangan noong Setyembre.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Zamboanga City evacuees, miserable pa rin kahit wala nang bakbakan


No comments:

Post a Comment