Saturday, November 16, 2013

Unang banal na misa sa Tacloban dinagsa

TINATAYANG aabot sa 200 residente ng Tacloban City ang dumagsa kanina sa Sto. Nino parish sa lungsod para dumalo sa unang banal na misa na idinaos sa kanilang lugar matapos manalanta ang super bagyong Yolanda doon noong Nobyembre 8.


Bagamat malaking bahagi rin ng simbahan ang winasak ng bagyo ay binuksan na rin ito sa mga residente.


Wala pa ring kuryente sa lungsod kaya’t gumamit lamang ng megaphone si Monsignor Alex Opiniano sa kanyang pagmimisa.


Naging emosyonal naman ang mga taga-Tacloban na dumalo sa misa at marami sa kanila ang hindi naiwasang maluha habang nakikinig sa mga Salita ng Diyos.


Pinaalalahanan naman ni Opiniano sa kanyang homiliya ang mga tao na sa kabila nang dinaranas na paghihirap dahil sa bagyo ay dapat pa ring kilalanin ng mga kababayan ang kabutihan ng Panginoon.


“God is good all the time,” bahagi pa ng sermon ni Opiniano.


Iginiit din ng pari na ang naganap na kalamidad ay oportunidad o pagkakataon upang higit na mapalapit sa Panginoon tulad ng mga apostol noon na nakipagsagupa sa malalaking alon pero hindi nawalan ng tiwala sa Diyos.


Iniulat na halos 95% ng Tacloban City ang napinsala nang masentruhan ng super bagyong Yolanda.


The post Unang banal na misa sa Tacloban dinagsa appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Unang banal na misa sa Tacloban dinagsa


No comments:

Post a Comment