Sunday, November 10, 2013

Ticzon, handa na sa hamon bilang bagong coach ng Globalport

Handang harapin ng itinalagang interim coach ng Globalport na si Richie Ticzon ang malaking hamon na kanyang susuungin bilang bagong mentor ng Batang Pier.



Marami ang nasorpresa nang sumugal si Globalport team owner Mikee Romero nang pangalanan nito si Ticzon bilang kapalit ng dating head coach na si Junel Baculi. Nauna nang nagpaalam si Baculi para umano makapag focus sa kanyang posisyon bilang athletic director ng National University sa UAAP.


Kasunod nito ay naglabasan ang ilang mga pangalan na kinabibilangan ng magkapatid na Olsen at Nash Racela at Alaska assistant coach Alex Compton bilang ilan sa mga pinagpipilian na papalit kay Baculi.


Ngunit dahil mayroon pang kontrata sa Alaska, hindi umubra si Compton habang nabalita namang tinanggihan ng magkapatid na Racela ang alok sa kanila partikular na ang nakababatang si Nash na nais namang magpokus sa kanyang pagiging assistant coach kay Jong Uichico sa SEA Games-bound national team.


“Napa-oo na lang ako nang tanunin ako kung gusto ko at kung kaya ko. Kasi alam ko nakasuporta naman lahat sa akin. It’s not just me. It’s basically the coaching staff,” ani Ticzon, na tinutukoy ang kanyang mga kasama sa coaching staff na sina Eric Gonzales, Bonnie Tan, at Mac Cuan gayundin ang holdovers na sina Glenn Capacio at Rommel Adducul .


“Alam ko naman ang suporta lahat ng coaches. And Boss Mikee reiterated time and again that he will behind us 100 percent. Okay lang. I’m really up to the challenge. Let’s see what happens in the next couple of months,” dagdag pa nito.


Isa sa kanyang mga nakikitang dapat na unang pagtuunan ng pansin para sa koponan ay ang pagbuo ng teamwork at chemistry ng mga ito lalo pa’t isa ang Globalport sa may pinakamaraming bagong players na nadagdag at nawala sa kanilang roster makaraan ang nakaraang draft at ilang mga trade.


Hangad ni Ticzon, gaya ng nauna nang inihayag ni Baculi matapos ang draft, na gawing isang running team ang Batang Pier lalo pa’t kayang kaya naman nila itong gawin sa pagkakaroon ng mas maraming batang players sa katauhan ng mga rookies na sina Terrence Romeo, RR Garcia, Nico Salva, Justine Chua, LA Revilla at Jopher Custodio.


“This is a young team. So, tatakbo kami. We will definitely run. At ‘yung rebounding namin, medyo kulang, kailangan namin i-stress ‘yun. We will go to the three-point shot every transition if we can. Walang problema. We have the guns to do that. We will run every time,” ani Ticzon.


At dahil medyo gahol na sa panahon dahil magbubukas na sa isang linggo ang PBA 39th season, ayon kay Ticzon ay pagsisikapan nilang trabahuhin ito ng mabilis para mailagay ang koponan sa tinatawag na competitive level.


“What we emphasize all this time is the effort every practice and things will fall. Hopefully we can jell sooner than later. And sana with the response of the players, we are gearing towards the right direction. It boils down to all the effort of the guys. They really wanted to win kanina. They really wanted to show that they will compete this conference.” – Marivic Awitan


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Ticzon, handa na sa hamon bilang bagong coach ng Globalport


No comments:

Post a Comment