Friday, November 8, 2013

Romeo, Garcia, humaba ang samahan

RR Garcia and Terrence Romeo


Hindi pa matatapos ang apat na taong pagsasama nila sa collegiate league sa koponan ng Far Eastern University sa UAAP.


Madadagdagan pa ang mahabang pagsasama at paglalaro sa isang team nina dating UAAP MVP Terrence Romeo at RR Garcia dahil kapwa lumagda ang dalawa ng tig-tatlong taong kontrata bilang mga bagong manlalaro ng Globalport Batang Pier sa Philippine Basketball Association.



Magkasunod na na-draft bilang ikalima at ikaanim sa overall pick sa first round ng Batang Pier, lumagda ang dalawa ng maximum contracts para sa mga rookies.


Mismong si Globalport team owner Mikee Romero ang kumumpirma ng nasabing balita.


Nakapaloob sa kanilang pinirmahang kontrata na tatanggap ang dalawa ng tig-P8.5 milyon sa loob ng tatlong taon.


Bukod sa dalawa, ang iba pang rookies na pinapirma ng Globalport ay sina dating Ateneo center Justin Chua na nakuha ng San Mig Coffee sa trade at na-trade sa Batang Pier, gayundin sina dating La Salle guard LA Revilla at dating Cebuana

Lhuillier standout sa D-League na si Jopher Custodio.


Lumagda ng dalawang taon si Chua habang tig-isang taon naman sina Revilla at Custodio.


Dahil dito, tanging si Nico Salva na lamang, dating 2-time UAAP finals MVP, ang hindi pa nakakapirma ng kontrata sa mga draft picks ng Batang Pier.


Samantala, kung nagdadgag sila ng mas maraming mga batang manlalaro na buhat sa drafts, kumuha rin ang Globalport ng isang beterano sa katauhan naman ni dating league MVP Eric Menk.


Galing sa championship stint sa Asean Basketball League sa koponan ng San Miguel Beermen, lumagda si Menk ng isang taong kontrata para sa Globalport.


Inaasahang malaki ang maitutulong ni Menk sa frontline ng Batang Pier na kinabibilangan din ng mga nakuha sa trades na sina Enrico Villanueva at Jay Washington. – Marivic Awitan


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Romeo, Garcia, humaba ang samahan


No comments:

Post a Comment