Monday, November 11, 2013

Pokwang, naging kasambahay muna bagong naging OFW

JESSY Mendiola, Pokwang and Enchong Dee


Ni Reggee Bonoan


May bagong revelation kaming natuklasan kay Pokwang.


Bukod pala sa pagiging OFW ay naging kasambahay din muna siya para mapag-aral ang sarili.


Sa presscon ng Call Center Girl na dinirihe ni Don Cuaresma para sa Star Cinema, nabanggit ni Pokwang na kinastigo niya minsan ang kanyang nag-iisang anak nang marinig niyang sinagut-sagot nito ang kasambahay nila.


“May hinahanap kasing gamit or something si Baby Girl ko, eh, hindi niya mahanap ‘tapos ‘yung kasambahay namin ang sinagot ng hindi maganda, kaya pinagalitan ko at ipinaliwanag ko kung bakit.


“Kasi naging kasambahay ako during my high school days para makapag-aral ako. Tinanggap ko ang pagiging kasambahay at wala akong suweldo kasi sagot nila ‘yung tuition fee ko, pag-aaral ko. Kaya iba talaga ang pagmamahal ko sa mga kasambahay kasi naranasan ko ang maging tulad nila.


“In-explain kong mabuti (sa anak) na, ’Imaginin mo na ikaw ‘yung anak ng isang kasambahay at narinig mong ginaganyan-ganyan ang nanay mo, ano’ng feeling mo?’ Nag-sorry naman ang anak ko, and after that, naging sobrang close naman sila. Eh, kaya lang kasi nag-asawa na, so hayun, umuwi na ng probinsiya. I think hanggang ngayon may communication sila, kasi iyon halos ang nag-alaga sa anak ko.”


Naging mabait ba naman sa kanya ‘yung amo niya noon?


“Wala naman, maayos ang trato sa akin, dalawa ‘yung inalagaan kong magkapatid, may mga hika, so tuwing sinusumpong sila ng hika feeling ko kasalanan ko kaagad-agad kaya sobrang tutok ako sa magkapatid na ‘yun,” pagbabalik-tanaw ni Pokwang.


“Dalawang beses akong naging katulong, noong nasa grade six ako and noong high school, dito lang sa Manila, malapit din lang sa lugar namin (Antipolo).


“Mahirap maging kasambahay kasi lalo na sa edad ko noon, napakabata ko pa (dose anyos) at ang hangarin ko lang naman makapag-aral.


“Gigising ka ng madaling araw, aasikasuhin mo ‘yung baon ng mga alaga mo, ‘tapos pag-uwi ko (galing) sa school, magluluto pa ako ng hapunan nila, linis ako ng bahay. Bago ako matulog make sure na malinis lahat,” seryosong kuwento ni Pokie.


Hindi na nakita uli ni Pokie ang mga dating amo niya.


“Ang alam ko, nasa ibang bansa na ‘yung isa.”


Dahil sa karanasang iyon ay pamilya ang trato niya sa mga kasambahay niya.


“Hindi ko sila pinagyu-uniform, walang ganu’n, kung ano ang pagkain ko, pagkain din nila.”


Natutuwa ang mga kasambahay niya kapag may mga ibinibigay na giveaways si Pokie.


“Mga pampaputi, hindi naman kasi ako (gumagamit), ang hilig nila mga pampaputi, tuwang-tuwa sila. Eh, ako hindi naman, mahilig lang ako sa kulay kong morena,” natawang kuwento ng komedyana.


Samantala, seventeen years old na ang unica hija ni Pokie at liberal naman siya kung may manliligaw o magkaroon na ito ng boyfriend.


“Siguro maganda naman kasi ‘yung anak ko, di ba? Hindi naman kataka-taka, actually, nagtataka nga ako, baka napalitan sa hospital, ‘chos!” pabirong sabi ng aktres.


“Sabi ko naman sa kanya, sa edad mong ‘yan (17), may mga manliligaw ka, bukas ang bahay at maganda ‘yung hindi ka pinupucho-pucho (biru-biro) ng lalaki kasi hindi naman pucho-pucho rin ang pag-aalaga ko sa ‘yo,” kuwento pa ni Pokie.


Debut na ng bagets sa 2014 na pinaghahandaan na niya.


“Sorpresa ko sa kanya, yahoo (sabay cross-fingers), malaking handaan talaga.”


Pinaghahandaan na rin ni Pokie ang pagpasok sa kolehiyo ng kanyang anak dahil mahal daw ang tuition sa Culinary Arts.


“Nag-iisa lang naman kaya ibigay na natin ng todo, hindi siya spoiled. Ang akin lang kasi gusto ko maganda ang edukasyon niya kasi iyon ang hindi ko na-achieve, ang education,” na slang ang pagkakabanggit niya.


Samantala, “Si Ryan Bang kasi crush na crush niya ‘yung anak ko,” kaswal na sabi. Ano ang reaksyon ng bagets? “Wala, nangingiti lang, alam mo naman bungisngisera ‘yun, natutuwa siya kay Ryan Bang.”


Hindi ba nito type si Ryan Bang?


“Hindi ko naman natanong kung type niya, pero natutuwa siya kay Ryan Bang. Oo, okay lang na ligawan ni Ryan Bang anak ko, mabait si Ryan Bang, mabait ang batang ‘yun at saka marespeto kahit saan mo makita,” say ng komedyana.


Mahigpit ba siya sa mga planong manligaw sa anak?


“Ako kasi alam na ng anak ko, kung baga napag-usapan na namin ang limistasyon niya, at alam niya kung ano ang ikagagalit ko. Ang limitasyon niya sa akin pagdating sa pag-aaral, ibigay mo ng todo ang pag-aaral kasi itinotodo ko rin ang suporta sa pag-aaral mo.


“Ngayon pagdating sa barkada, kasi alam mo naman ang panahon ngayon, di ba, mahirap magtiwala kung kaibigan mo lang ang kasama, ganito, nag-iisa na lang ‘yan, so sabi ko sa kanya, papayagan kita (pumunta sa parties ng mga kaibigan), pero sana kasama ‘yung driver at (yaya). Kasi katwiran ko, bakit kailangan mong tumanggi na may kasama ka kung wala ka namang gagawing masama, di ba?” kuwento ni Pokwang.


Samantala, tinanong namin si Pokie kung bakit siya napaiyak nang mag-parting words na ang cast ng Call Center Girl sa presscon.


“Kasi sobrang overwhelmed ako sa suportang ibinibigay ng buong cast, kung baga ganito pala ang ipinakisama ko, ang itinanim sa mga kasama ko mula sa direktor at sa buong staff. Kaya nga nakakaiyak kasi matatapos na ang shooting namin,” sagot niya.


Kasama ni Pokwang sa Call Center Girl, mula sa script ni Enrico Santos at mapapanood na sa Nobyembre 27, sina Enchong Dee, Alex Castro, Dianne Media, Ogie Diaz, Chocoleit, Jessy Mendiola at John ‘Sweet’ Lapus.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Pokwang, naging kasambahay muna bagong naging OFW


No comments:

Post a Comment