Wednesday, November 20, 2013

PERA NA

SABI ng isang gobernador, hindi na raw dapat relief goods ang ibinibigay sa mga grabeng nabiktima ng lindol at baha, dapat daw pera na.

Pagkatapos ng initial shock, panahon na para ibangon ang dignidad ng mga taong nilumpo ng trahedya. At ano ba raw ang kailangan nila – pera. Hindi na mga lumang damit, hindi na mga noodles at sardinas. Kailangan na nila bumangon sa sarili nilang mga paa, at kailangan nila ang tulong ng pamahalaan at dapat na silang bigyan ng pera.


Pera para desisyunan kung ano ang gusto nila kainin, pera para maitayo ang kanilang mga tahanan, pera para man lang muling makapaghanap-buhay. May umangat man ang kilay sa panukala ni Gov. Joey Salceda ng Albay, marami rin ang sang-ayon at humanga pa sa naisip ng gobernador.


Ang sabi pa ni Salceda, bigyan ng lakas ang LGU, simula sa pinakamababang unit ng barangay, para sa kanila magmula ang pagbangon. Ibigay na muli sa LGU ang liderato o sa mga opisyal na mas nakaaalam ng kalagayan at sitwasyon ng bawat isang miyembro ng kanilang barangay. Pero ang usapin ng pera ay totoong masalimuot lalo ngayon na ang pamahalaan ay tinitira sa mga bintang ng pagnanakaw at korapsyon. Pero pwede rin na magsimula talaga ayon sa mungkahi ni Salceda.

Totoong pagbangon, totoong simula. Ibalik ang tiwala sa mga lokal na lider na binoto ng tao. Gumawa ng tamang proseso para maisakatuparan ito. Kailangan ng bawat isang biktima ni Yolanda at ng lindol ng pasimulang puhunan. Ng pera para planuhin muli nila kung paano nila maititindig ang nawasak nilang buhay.


Aminin man natin o hindi, totoo ito. Hindi madali na lagi na lang isinasahod ang kamay. Mabigat sa puso ang lagi na lang nanghihingi ng pagkain at mga gamit sa pang araw-araw na buhay. Nakakawala ito ng dignidad. Ang pamahalaan ay maaaring gumawa ng isang simpleng proseso, transparent, ligal, walang halong daya, at bukas ang loob sa pagtulong para mabigyan ng pera ang mga taong sinalanta ni Yolanda at ng lindol sa Bohol.


The post PERA NA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PERA NA


No comments:

Post a Comment