Thursday, November 14, 2013

PATIKIM LANG

Sa lupa at himpapawid dinurog ng nangangalit na kalikasan ang kabisayaan. Pinaghiwalay lang ng kung may ilang araw, malakas na lindol at super bagyo ang magkasunod na umatake sa nasabing lugar. Grabe na nga ang sinalanta ng lindol, pinalala at pinalawak pa ito ng bagyo. Maraming namatay at animo’y binura sa mapa ang bahagi ng kabisayaang pinagtulungan nilang salantain. Nagsiyukod ang lahat ng bagay na nakatindig sa kanilang dinaanan bilang paggalang sa

taglay nilang lakas. Ang mga lugar na nakaranas sa kanilang lakas ay nagkahiwa-hiwalay.


Walang kakayahan ang tao para pigiling maganap ang kalamidad tulad ng mga ito. Wala rin siyang kakayahang arukin ang dahilan kung bakit nangyari ang mga ito sa parehong lugar na bukod sa napakalakas ay magkasunod pa. Pero, pwede naman siguro niyang mabasa ang kanilang mensahe bilang isang nilalang sa konteksto ng mga nangyayari sa kanya at kapwa at bansa nang sumulpot sila. Sa akin, patikim o pasilip pa lang ito sa mga may tangan ng renda ng ating gobyerno sa mga susunod pang mangyayari kung patuloy pa nilang gagawin ang isinusuka ng sambayanan. Ang mga taga Visaya ang nagsakripisyo at kung bakit hindi ko kayang ipaliwanag. Pero, sila ang sumapo ng delubyo. Nang kumalma ang kalikasan, tumambad silang sugatan sa katawan, puso at espiritu. Nangagutom, nangauhaw at nagkakasakit.


Hanggang ngayon naghihintay pa sila ng tulong at kalinga sa ating gobyerno na dahil ginapos ng mga namumuno ang kanyang kamay sa anomalya, limitado ang kakayahang ipagkaloob ito. Looting ang naging remedyo ng mga lumalaban sa kamatayan. Hindi katwiran ito, wika ng iba. Pero, ano naman ang moral authority mangdakip at magparusa ang mga taong pinagpistahan ang limpak-Limpak na salapi ng bayan? Walang sinasanto ang kagutuman at kaapihan at ang nangyari ngayon gulo ay pwedeng lumaki at kumalat kapag hindi natuto ang mga taong gobyerno. Baka sumampa na nang tuluyan ang alon sa dalampasigan, kung hindi ngayon,bukas.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



PATIKIM LANG


No comments:

Post a Comment