Monday, November 18, 2013

Oil spill sa Estancia, prioridad mapigilan

Ni Tara Yap


ESTANCIA, Iloilo – Hindi lang gutom at pagsisimulang muli ang kinakaharap ng mga nakaligtas sa pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ sa Estancia, Iloilo, kundi maging ang panganib sa kalikasan at sa kanilang kalusugan.


Bagamat kontrolado na ang pagtagas ng may 200,000 litro ng bunker fuel mula sa nasirang power barge ng National Power Corp. (NAPOCOR), ang natitirang 1.2 milyong litro sa loob ng barge ay hindi pa naiaalis.



Inamin ni Commodore Athelo Ybañez, hepe ng Philippine Coast Guard (PCG)-Western Visayas, na nananatili ang banta ng malawakang oil spill sa Estancia at sa mga karatig na bayan.


Dumagdag pa ito sa mga problema ng Estancia, na mahigit 90 porsiyento ang napinsala ng bagyo at 86 sa 190 nasawi sa Iloilo ang naitala sa nasabing bayan.


Sinabi ni Ybañez noong Sabado na hindi pa natatakpan ang butas sa power barge at kung magkakaroon ng panibagong bagyo o kung lalaki ang alon sa lugar ay maaaring tuluyan nang tumagas sa dagat ang natitirang 1.2 milyong litro ng langis mula sa barge.


Ayon kay Ybañez, dapat na agad na matugunan ang nasabing problema upang maiwasang madagdagan pa ang kinakaharap na problema ng mga taga-Estancia na nawalan ng mga tirahan at araw-araw na natuturete sa paghahanap ng makakain at malinis na tubig na maiinom upang manatiling buhay.


Ang tumagas na bunker fuel ay maaaring magdulot ng sakit sa baga.


Napaulat na rin na umabot na ang tumagas na langis sa baybayin ng bayan ng Batad, sa katimugan ng Estancia.


Gayunman, inihayag ni Ybañez na dumating na sa Estancia noong Sabado ang pribadong contractor ng NAPOCOR na magsasagawa ng salvage at post-clean up operation para tuluyan nang maalis ang natitirang langis sa barge at hahatak sa huli patungo sa daungan.


Kasabay ng apela ni Ybañez sa NAPOCOR na bilisan ang pag-aalis sa barge sa Estancia, inihanda na rin ng PCG ang Tier-1 Oil Spill Response Equipment nito, ngunit hindi sapat ang dami ng tauhan para malinis ang langis na tumagas sa baybayin.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Oil spill sa Estancia, prioridad mapigilan


No comments:

Post a Comment