Monday, November 18, 2013

Bagyong ‘Yolanda’, ipinakita ang bayanihan ng mga Pilipino—at mundo

US military sa Tacloban (AP)


Ni Jun N. Aguirre


Mga larawan mula sa Associated Press


BAGAMAT sinasabing hinubaran ng super bagyong Yolanda ang Pilipinas dahil sa bagsik ng hangin nito, naipakita naman ang natatanging katangian ng mga Pilipino, ang bayanihan.


Base sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) noong Sabado ng gabi, umaabot na sa kabuuang 3,633 ang nasawi dahil sa bagyo, ang pinakamalakas na nanalasa sa bansa.



Nasa 12,501 ang nasugatan at 1,186 pa ang nawawala. Umabot na rin sa 2.104 milyong pamilya o 9.815 milyong indibiduwal sa 44 na lalawigan ang naapektuhan ng bagyo.


Umaabot sa 248,176 na bahay ang nawasak at 246,435 naman ang sinira ng Yolanda, ayon sa datos ng NDRRMC.


Tinaya naman sa P10.339 bilyon ang kabuuang pinsala ng Yolanda; P1.250 bilyon ang napinsala sa imprastruktura at P9.089 bilyon sa agrikultura.


Ang bayanihan ay tradisyonal na ugaling Pinoy, kahit pa ang Pilipinas ay binubuo ng 7,701 isla.


Sa bansa nagsimula ang bayanihan at naging ‘viral’ naman ito sa buong mundo. Agad na nagpaabot ng tulong sa mga binagyo ang iba’t ibang bansa, kabilang ang Amerika, Britain, Japan, Israel, Australia, Japan, Hong Kong at patuloy na nangangalap ng tulong ang United Nations. Maging ang Miami Heat.


Sa kasalukuyan, aabot na sa $126.8 million o P5.4 bilyon ang ipinagkaloob sa bansa ng 43 international donors.


Maraming celebrities, miyembro ng iba’t ibang sektor at milyun-milyon ding estudyante sa iba’t ibang panig ng bansa ang tumulong sa pagre-repack ng relief goods.


Ang Armed Forces of the Philippines kasama ang Philippine Red Cross ay wala namang kapaguran sa pagtulong sa mga nasalanta.


Nagpaabot din ng tulong ang iba’t ibang lalawigan na hindi apektado ng bagyo, maging ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na nag-adopt ng bayan kada isa, para agad na makabangon ang mga biktima, ganoon din sa karatig-lalawigan ng Samar at Leyte.


Ikinokonsidera namang malaking tulong ang papalapit na Pasko para pansamantalang makalimutan ng mga apektadong residente ang pinakamapinsalang delubyo sa kasaysayan ng Pilipinas.


Umaasa ang mga residente na sa pamamagitan ng bayanihan o pagtutulungan ng world community ay makakabangon sila na may bagong pag-asa at inspirasyon sa mga susunod na taon.


141113_aftermath03_baldicantos 151113_baguio_law_students_helps_out03_landingin 161113_unversity_wide_relief_drive02_landingin 17112013_relief05_linus P US military sa Tacloban (AP)

.. Continue: Balita.net.ph (source)



Bagyong ‘Yolanda’, ipinakita ang bayanihan ng mga Pilipino—at mundo


No comments:

Post a Comment