Saturday, November 16, 2013

MGA PAREHADORA

Isa sa kalahok lagi sa pagdiriwang ng Pista ni San Clemente sa Angono, Rizal tuwing ika-23 ng Nobyembre ay ang mga Parehadora – ang pangkat ng mga batang babaeng nag-aaral sa elementarya mula sa iba’t ibang barangay ng Angono. Nagbibigay saya at kulay sila sa Kapistahan ni San Clemente – ang Art Capital ng Pilipinas at bayan ng dalawang National Artist na si Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro, binigyang buhay sa kanilang mga likhang-sining at komposisyon.



Sa umagang ika-23 ng Nobyembre, makulay ang kasuotan ng mga Parehadora. Nangakabakya sa pangunguna ng mga batang majorette, sabay-sabay na nagmamartsa mula sa kanilang barangay patungo sa patyo ng simbahan, tinutugtugan ng banda, nay hawak na sagwan na kulay puti sa kanang balikat. Ang padyak ng mga bakya ay nangingibabaw ang tunog. Matapos ang concelebrated mass, ay kasama na sila sa prusisyon at paghahatid ng imahen nina San Clemente, San Isidro Labrador at Mahal na Birhen sa Pagoda na sa tabi ng Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Angono.


Isasakay ang tatlong imahen sa Pagoda at kasunod na ang fluvial procession. Hinihila ang Pagoda ng kalalakihan, kabataan at iba pang may panata at debosyon kay San Clemente. Ang Pagoda ay paggunita sa isang bahagi ng buhay ni San Clemente nang itapon siya sa dagat ng Crimea ng mga pagano. Ang mga nakasakay na deboto ay nagro-Rosario Cantada. Sa paghila ng Pagoda, ang kalakihana ay nakayapak at humuhuli ng mga isda na inutuhog at isinasabit sa

andas ng tatlong imahen.


Bago ipasok sa simbahan ang mga imahen nina San Clemente, San Isidro at ng Mahal na Birhen, nagsasayaw ang mga deboto at ang lahat ng kasama sa parada sa tugtog ng banda. Matapos ang tugtog at sayaw, sumisgaw ang mga deboto ng “Viva San Clemente!” Kasunod nito ang pagbibigay ng bendisyon ng parish priest ng Angono


Sa puso ng mga Parhadora at ng mga taga-Angono, ang kapistahan ni San Clemente ay nag-iiwan ng mga alalala at gunita. Nakatupad ng kanilang panata. At sa pagdiriwang, ang diwa ay nakaugnay lagi sa Diyos, sa namanang tradisyon, kultura at sa kasaysayan.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



MGA PAREHADORA


No comments:

Post a Comment