Sunday, November 24, 2013

MAY KAKANDIDATO PA KAYA?

TAGUMPAY ng taumbayan ang desisyon ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel. Mas sumunod ang mga mahistrado ng Supreme Court sa kagustuhan ng bayan kaysa kay PNoy na sa kanyang SONA noon ay buong pagmamagaling na nagsabing ang mga Pinoy ang kanyang tunay na BOSS kaya hindi maaaring hindi siya makinig o sundin sila. Eh, bakit ayaw mong dinggin ang panawagan nila na tanggalin na ang PDAF/pork barrel na napupunta lang daw sa mga bulsa ng mga Manggagatas, este Mambabatas, at kay Janet Lim Napoles?


Imagine, P200 milyon kada taon bawat senador at tig-P70 milyon bawat kongesista ang kanilang “pork” habang sina Juan dela Cruz at Pedro Pasang-Hirap ay walang makain, walang trabaho, nangagugutom ang taga-Eastern Visayas, Panay Island, Bicol at Palawan na dinaluhong ng daluyong (storm surge) na bunsod ng super-bagyong ‘Yolanda’!


Sabi nga sa akin ng isang ka-jogging tungkol sa pork barrel: “Hindi naman nila tungkulin ang magpagawa ng lansangan, tulay, highway, paaralan at iba pang pagawaing-bayan. Iniluklok sila para gumawa ng batas para sa kagalingan at kabutihan ng mamamayan.” Sabad naman ni Tata Berto: “Paano ngayon ang kanilang mga ‘scholar’, hindi na sila makapupunta sa Hong Kong, Singapore, Macau para mag-shopping?” Ang scholars na tinutukoy ay iyong mga “bayaran” o kabataang kulasisi ng mga damuhong Kagulang-Gulang, este Kagalang-Galang na ang pondo sa ganitong mga “scholar” ay kinulimbat sa pork barrel!


Nakita ba ninyo sa isang English broadsheet noong Miyerkules ang larawan ni Lady Justice na may piring, may hawak na espada, nakakubabaw sa isang malaking baboy, na may titulong “Supreme Court slays PDAF.” Kinitil ng SC ang pork barrel na kaytagal pinagpasasaan ng mga senador at kongresista habang walang laman ang sikmura ng milyun-milyong Pinoy. Ito ang “murder” na makatwiran. Tagumpay ang bayan. Mabuhay ang SC!


Itinatanong ni kaibigang Mike Enriquez na sa pagkawala ng pork barrel ng mga mambabatas, meron pa raw kayang kakandidato sa pagka-senador at kongresista sa 2016? Ang sagot mo rito, dear reader, ay tulad din ng tugon ko!


.. Continue: Balita.net.ph (source)



MAY KAKANDIDATO PA KAYA?


No comments:

Post a Comment