Tuesday, November 12, 2013

Hostage-taker, sugatan sa awtoridad

Sugatan ang isang hostagetaker matapos pagbabarilin ng mga tauhan ng Special Reaction Group- Special Weapon and

Tactics (SRU-SWAT) nang hagisan nito ng granada ang pintuan ng police station sa Caloocan City noong Lunes ng umaga.


Una rito, dalawang lalaki sa Manila ang hinostage nito.



Nakaratay ngayon sa Caloocan City Medical Center ang suspek na si Von Altre, 33, may asawa, ng No. 1383 Metrica St. Sampaloc, Manila, sanhi ng tama ng bala ng armalite rifl e sa kaliwang binti.


Base sa report, bandang 10:00 ng umaga nang hinostage ni Altre sina Jovito Laxamana, 29, at Dante Brillantes, 49, sa Sampaloc, Manila sa hindi malamang dahilan habang hawak ang isang granada.


Nakarating sila sa kanto ng A. Mabini St. C-Road, Caloocan City hanggang sa makatanggap ng tawag ang Special Operation Center ng Caloocan Police at ipinabatid na may nagaganap na hostage-taking.


Kaagad na nagresponde ang mga tauhan ng SRU-SWAT at maging si P/ Chief Inspector Illustre Mendoza, station commander ng Sub-Station 2.


Pinakiusapan ni Mendoza si Altre na pakawalan na ang mga hinostage subalit habang nagaganap ang negosasyon, nagawang makatakas ni Laxamana.


Ilang sandali ang lumipas, nakumbinsi ni Mendoza na pakawalan na ng suspek si Brillantes kung kaya dinala ng nasabing opisyal sa Police Community Precinct (PCP) Zone 3 si Altre na hawak pa rin ang granada.


Pagdating sa loob ng PCP, nakaramdam ang suspek na parang niloloko lang siya ni Mendoza at dinamba niya ito saka pilit inilagay sa loob ng T-shirt ng huli ang hawak na granada.


Naisalya ng opisyal si Altre hanggang sa makalabas ito ng police station, subalit hinabol siya ng una at saka ibinato ang

granada.


Umalingawngaw ang malakas na pagsabog at himalang hindi nasugatan ang nasabing opisyal.


Dito na nakakuha ng pagkakataon ang mga SRU-SWAT at pinagbabaril ang suspek.


Sinampahan ng kasong serious illegal detention (4 counts), Violation of RA 10951 (illegal possession of explosive), Relation Omnibus Election Code, multiple frustrated murder at grave coercion si Altre. – Orly Barcala


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Hostage-taker, sugatan sa awtoridad


No comments:

Post a Comment