Thursday, November 7, 2013

Goma, sasabak sa PSL Men’s Grand Prix

Isinelyo ni actor at multisportsman Richard Gomez ang panawagan sa kanyang pagsabak sa men’s volleyball division sa pamamagitan ng pagpapatala at makita ang kanyang imahe sa isa sa mga koponang hahataw sa Philippine Superliga Grand Prix 2013.



Maglalaro si Gomez, ang Southeast Asian Games medalist bilang rower at fencer, sa PLDT, isa sa apat na koponan na makikipaggitgitan sa inaugural men’s club tournament na gaganapin kasama ang regular women’s competition na magkakaroon naman ng anim na koponan na makikita sa aksiyon sa Linggo.


Ang Maybank, Systema at Gilligan’s Restaurant ang iba pang squads na poporma sa men’s division, magkakaroon ng kanilang sariling kompetisyon matapos ang ilang taong ‘di naging aktibo.


Maliban sa pagseserbisyo bilang miyembro ng national squads sa fencing at rowing, kilala rin si Gomez sa paglalaro ng golf at isang motocross enthusiast, maliban pa sa mga pinaglaruang ibang sports.


Sumabak rin sa volleyball sa high school at college, sinabi ni PSL president Ramon “Tats” Suzara, naging national youth ace player din, na ang presensiya ni Gomez ay makakatulong ng malaki upang mapalakas ang interes ng sport na matagal na ring ‘di namalas kumpara sa kanilang female counterparts.


Hindi gasinong batid ng nakararami, si Gomez ay naging instrumental sa major comeback fight ni Manny Pacquiao nang seguruhin nito ang pondo at suporta ng gobyerno habang siya ay Youth at Sports Adviser ni dating Pangulong Joseph Estrada.


Tinulungan nito ang Philippine Sportswriters Association (PSA) sa pagiging punong-abala sa pagbabalik ng tagumpay ni Pacquiao laban kay Reynante Jamili noong Disyembre 12, 1999.


Ang nasabing laban ang naging senyales sa pag-angat ni Pacquiao at maging natatanging eight-division world champion matapos ang kanyang knockout loss kay Medgoen Singsurat ng Thailand noong Setyembre 17, 1999.


“Richard knows the extent of our undertaking in trying to revive men’s volleyball. He selflessly agreed to help us and we are grateful,” pahayag ni Suzara.


Ang event, karamihang gaganapin sa The Arena sa San Juan, ay nakipagtambalan din kay San Juan Mayor Guia Gomez sa puntong makatulong rin sa mga biktima ng nakaraang major earthquake na sumalanta sa probinsiya ng Bohol.


Ang ticket sales para sa opening games ay ipagkakaloob sa earthquake victims sa pamamagitan relief programs ng City of San Juan.


Ang mga tiket ay ipinagbibili ngayon sa SportsCore office, Unit 220, City Land Vito Cruz Tower 1, 720 Vito Cruz St., Manila.

Sa mga interesadong partido, mangyaring tumawag sa 353-3935.


Para sa opening games sa ganap na ala-1:00 ng hapon sa Linggo, makakabi;li ng tiket sa booths sa San Juan Arena.


Ang event ay ginabayan rin ng Asics, Mikasa, LGR at Jinling Sports. Mananatili ang Solar Sports Entertainment bilang PSL’s valuable broadcast partner at ito’y tinaguriang ‘The Home of the PSL.’


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Goma, sasabak sa PSL Men’s Grand Prix


No comments:

Post a Comment