Monday, November 11, 2013

DAHIL SA BABOY

P’re, napupuna mo ba na parang malas sa mga pulitiko iyang baboy. Kasi, hindi ba tambak na ang kongresista at senador ang nagsisabit sa pork barrel scam? At hindi ba ang Pork, sa Tagalog ay baboy? Ngayon naman, isang mayor ang pinatatalsik o tinatanggal sa puwesto ng Commision on Election o Comelec dahil din sa baboy.



Dinidiskuwalipika ng Comelec si Benedict Calderon bilang mayor ng Roxas, Isabela dahil sa diumano’y pamimigay ng baboy noong panahon ng kampanya noong eleksiyon ng Mayo 13. Sa 12 pahinang resolusyon na may petsang Okt. 4, pinaboran nina Comelec Commisioner Christian Robert Lim at Lucenito Tagle ng First Division ang petition ng natalong kandidato na si Harry Soller.


Talaga yatang wala nang gagawing magaling sa atin iyang baboy. Kasi sangkaterba ang nangatitigok dahil sa high blood dahil sa pagkain ng baboy, ngayon naman, katakut-takot na pulitiko ang nilapa ng Ombudsman dahil din sa baboy – ang pork barrel.


Maganda ang obserbasyon ng European Union Ambassador Suy Ledoux tungkol sa korapsiyon at pork barrel scam sa Pinas. Sa tingin daw niya mayroon pa rin namang mga LGU at NGO na hindi corrupt. Tama rin, P’re, di ba? Siyempre nga naman sa isang tiklis na kamatis, hindi lahat ay bulok. Meron din sigurong isa o dalawa na hindi pa masyadong bulok. Halimbawa ay sa Senado, 24 sila di ba, P’re? Malay natin baka may isang hindi bulok. At sa Kongreso, mahigit 200 ang mga iyan, baka may limang bagu-bago pa lang nabubulok. Hindi nga naman natin dapat na nilalahat, P’re. Kawawa naman iyong hindi pa masyadong bulok pero nangangamoy na rin.


SSS member ka ba, P’re? Siyempre naman, di ba? May malungkot na balita ako sa iyo. Mula sa Enero ng susunod na taon, aakyat ang kontribusyon mo. Hindi ba masakit, P’re, at ang dahilan nila ay para daw mabawasan ang tinatawag nilang unfunded liability, ewan kung ano ang ibig sabihin niyan. At mapalawig pa ang state pension plan hanggang 2043.


Anak ng Kabaong, P’re, daragdagan ang kontribusyon natin tapos ang bonus nila milyun-milyon? Hindi ba unfair ‘yan? Ingles iyan, P’re. Kunin na sana sila ni Lord!


.. Continue: Balita.net.ph (source)



DAHIL SA BABOY


No comments:

Post a Comment