Wednesday, November 27, 2013

Cruz sa Pinoys: Bantayan din ang ‘beef’

HINIMOK ng isang arsobispo ng Simbahang Katoliko ang mga Pinoy na ngayong wala na ang ‘pork’ ay maging vigilante at mapagbantay naman ang mga ito sa ‘beef.’


Kaugnay nito, nagbabala si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa mga Pinoy na ngayong idineklara ng unconstitutional ng Korte Suprema ang pork barrel fund ay maaari namang mag-imbento ang mga government officials ng ‘beef’ o bagong mekanismo ng discretionary fund disbursement upang makapagnakaw ng pera ng bayan.


Ayon kay Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), tiyak na gagawa ng ibang paraan ang mga pulitiko upang mabawi ang kanilang malaking salaping ginastos sa pangangampanya.


Naniniwala rin ang arsobispo na kahit pa tuluyan nang naideklarang unconstitutional ang pork barrel ay hindi dapat isipin ng mga Pinoy na tapos na ang laban sa korapsiyon.


Giit niya, higit na dapat maging mapagmatyag ang publiko sa mga pulitiko dahil tiyak aniyang hindi basta susuko ang mga pulitikong gumastos ng malaki mahalal lamang sa pwesto.


Tiyak aniyang gagawa at gagawa ng paraan ang mga ito para makaimbento lamang ng bagong mekanismo na papalit sa kontrobersiyal na pork barrel scheme.


Una nang sinabi ni Cruz na kung talagang nais ng mga Pinoy na mawala ang korapsiyon ay hindi lamang ang ‘pork’ ang alisin ng mga ito kundi maging ang mga ‘baboy’ o pulitiko na nananatili sa gobyerno.


Si Cruz ay kabilang sa mga aktibong opisyal ng Simbahang Katoliko na nakiisa sa malawakang protesta para sa tuluyang abolisyon sa pork barrel scheme.


The post Cruz sa Pinoys: Bantayan din ang ‘beef’ appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Cruz sa Pinoys: Bantayan din ang ‘beef’


No comments:

Post a Comment