Friday, November 1, 2013

Crucis, Hagdang Bato, malabong magharap?

Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin matigil ang hiling ng maraming racing fans na maglaban na sa pista ang

dalawang matinding kabayong Crucis at Hagdang Bato.


Dream race na matatawag ang karerang ito kapag nagkaharap ang dalawa dahil kinikilalang imported champion ngayon ang Crucis habang Horse of the Year naman ang Hagdang Bato.



Wala naman daw problema na magharap ang mga ito, ayon na rin sa kanilang mga connections.


Nang magharap si Mayor Benhur Abalos Jr., ang may-ari ng Hagdang Bato, at Commssioner Marlon Cunanan, ang mayari naman ng Crucis, sa isang pagtitipon noong nakaraang buwan sa Wack-Wack Golf & Country Club, kapwa nila sinabi na maganda ito kung matutuloy dahil ito ang hinihiling ng industriya.


Ayon sa kanila, hindi sila aatras kung ito ang hiling ng lahat ng mga karerista at kung may pagkakataon silang magtagpo sa isang karera ay go daw silang dalawa.


Subalit may naririnig naman tayo ngayon na medyo malabo daw magkatagpo ang dalawa ngayong buwan dahil na rin sa kanilang mga schedule. Magandang araw pa naman sana kung magkakaharap ang mga ito sa Nobyembre 17 kung kailan gaganapin ang Ambassador Eduardo Cojuangco Jr. Cup sa MetroTurf sa Malvar-Tanauan, Batangas.


Ito kasi ang kampeonato para sa mga local at imported runners sa bansa.


Pero ayon na rin sa mga narinig natin, ganito raw ang siste.


Tuloy naman daw ang pagsali ng Crucis sa nasabing pakarera ng Philracom na may nakalaang P2 milyon bilang total prize, pero ang malabo, ‘di raw makakasali ang Hagdang Bato.


Bakit? Ito’y dahil na rin daw sa hindi pagkakausog ng Presidential Gold Cup sa Disyembre 1 na iniisponsoran ng PCSO.


Handa naman daw lumaban ang Hagdang Bato sa Cojuangco Cup kung iuusog sa kalagitnaan ng Disyembre ang Gold Cup. Masyado daw kasing dikit ang Disyembre 1 kung saan magiging dalawang tig-2,000-meter race ang sasalihan ng kabayo ni Mayor Abalos.


Ang inaalala nila ay baka mapagod nang husto ang Hagdang Bato kung lalaban sa Crucis sa Cojuangco Cup at sa 2,000 meters sa Gold Cup.


Baka nga naman hindi nila maidepensa ang kanilang korona sa Gold Cup na siyang talagang puntirya ng connections ng Hagdang Bato.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Crucis, Hagdang Bato, malabong magharap?


No comments:

Post a Comment