Sunday, November 17, 2013

AMERIKA, KAALYADO AT KAIBIGAN

MINSAN pa, sa gitna ng krisis at kalamidad, napatunayan natin, sa tanggapin at hindi, na ang Amerika ang tunay nating kaibigan at kaalyado na agarang nagpapadala ng tulong at suporta sa mga biktima ng super typhoon “Yolanda.” Nakadaong ngayon sa karagatan ng Samar-Leyte ang USS George Washington karga ang mga pagkain, gamot at kagamitan.



Ang kanilang idolong China ay nag-pledge lang ng $100,000 kumpara sa donasyon ng Japan na $10 milyon, pero dahil sa kantiyaw at batikos ng international press sa pagiging kuripot nito, dinagdagan nito ang donasyon. Sinabi ng foreign media at maging ng ibang mga bansa, sa halip na magtamo ng goodwill sa mga bansang miyembro ng Southeast Asia, ang “paltry sum” na donasyon ng China na pangalawa ngayon sa puwersa ng ekonomiya sa US, ay lalo lang nagpalayo ng simpatiya at pagpabor sa dambuhalang nasyon.


Ang Japan na naungusan na ng bansa ni Mao Tse-Tung sa ranggo ng ekonomiya ay hindi nag-atubli na magkaloob ng $10 milyong donasyon, at maging ang di-kayamanang mga bansa sa Timog-Silangang Asya, gaya ng Malaysia, Indonesia, Vietnam ay nagbigay din ng donasyon na higit na malaki kaysa China. Anyway, maraming salamat China sa tulong at suporta sa Pinas.


Kung hindi pa nabatikos ng foreign at local media, tulad ni Anderson Cooper ng CNN at ng iba pang journalist ng BBC, ang kabagalan at kawalang-organisa sa relief operations ng gobyernong Pilipino sa Samar, Leyte, Northern Cebu, Iloilo, Capiz, Antique at iba pang apektadong lugar, hindi pa yata kikilos ang mga tauhan at pinuno ng Aquino administration na nangakaupo lang sa executive swivel chair at nagkakamot ng “yagba.”


Ngayon yata, lumabas na at pinakalat ni PNoy ang mga miyembro ng kanyang Gabinete sa mga apektadong lugar para mamahala sa pagkakaloob ng mga pagkain, gamot, tubig, at iba pa. Kumpara sa Japan na tinamaan din ng malakas na tsunami noong Marso 2011 at nagkalat ang mga bangkay, dalawang araw lang ang kinailangan nila para maipon ang mga bangkay, malinis ang mga debris at hindi nag-aagawan sa pila ang mga biktima ng tsunami.


Pagkakaisa at understanding ang kailangan nating lahat ngayon matapos ang pananalasa ng super-bagyong Yolanda. Magdasal tayo at tuntunin ang kasabihang “Habang may buhay, may pag-asa.”


.. Continue: Balita.net.ph (source)



AMERIKA, KAALYADO AT KAIBIGAN


No comments:

Post a Comment