Wednesday, November 6, 2013

4 koponan, magkakasubukan na ngayon sa F4

Mga laro ngayon:

(MOA Arena)

12:30 p.m. San Sebastian vs Letran (srs)

2:30 p.m. San Beda vs Perpetual (srs)


Lagpasan ang kanilang pinagdaanang kontrobersiya at makamit ang inaasam na maipagtanggol ang kanilang korona, ang tatangkain ng defending champion San Beda College sa kanilang pakikipagtuos sa University of Perpetual Help System Dalta sa pagsisimula ngayon ng Final Four round ng 89th NCAA men’s basketball tournament.



Magtutuos ang Red Lions, napanatili ang top seeding matapos magpasiya ang NCAA ManCom na “i-defer” muna o ihinto pansamantala ang imbestigasyon sa kaso para mabigyan umano ng pagkakataon ang mga koponang kalahok sa Final Four na makapagpokus sa laro, at Altas sa ganap na alas-2:30 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.


Dahil nanatiling top seed, kailangan silang talunin ng Altas ng dalawang beses upang matupad naman ang ambisyon ng Las Pinas-based squad na makaabot sa finals.


Ngunit dahil sa mga nangyari sa nakalipas na linggo, kung saan ang apat na koponang kalahok sa F4 ay nabitin sa kanilang mga paghahanda at preparasyon sanhi sa kaso ng paglalaro umano sa ‘ligang labas’ ni San Beda guard Ryusei Koga.

Ngunit naniniwala ang mga coach na kung sino ang makakapagpakita ng “mental toughness” sa laro ang may malaking tsansang magwagi.


“It’s all about mental preparedness. Kasi kagabi (Martes) lang naglabas ng desisyon ang ManCom na pansamantalang itigil muna ang inbestigasyon,” pahayag ni San Beda team manager Jude Roque.


Ayon pa kay Roque, dahil sa pinagdaanan nilang krisis na sinabayan pa ng pagkakasakit nito sa trangkaso, posibleng hindi magamit si Koga sa kanilang unang laro sa Final Four at malamang na palitan ito ni Roldan Sara sa rotation lalo pa’t maganda naman ang ipinakita ng huli sa kanilang mga nakaraang laro.


Sa panig naman ng Altas, nangako naman ang mga ito na ibibigay na ang lahat para makabawi sa unang dinanas na limang pagkatalo na siyang nagsadlak sa kanila sa ikaapat na puwesto papasok sa Final Four at patuloy na buhayin ang asam na makatuntong sa kampeonato.


“Ibibigay na naming lahat. Wala nang bukas ito, kaya kailangan naming manalo,” pahayag nina Altas rookies Jong Baloria at GJ Ylagan na inaasahang gaganap ng mahalagang papel sa kanilang laban, partikular ang una na siyang 89th NCAA Season Rookie of the Year awardee.


Bukod sa dalawa, inaasahan ding magpapakita ng dobleng effort para sa kanilang tangkang pigilin ang Red Lions sina Mythical Team members Nosa Omorugbe at Harold Arboleda at ang mga beteranong sina Earl Thompson at Chris Elopre.


Para naman sa Red Lions, inaasahang mangunguna para sa target nilang finals slot sina Baser Amer, Rome dela Rosa, Arthur dela Cruz at Ola Adeogun.

Una rito, magtatangka din ang Knights, sa pamumuno ni Season MVP at Defensive Player of the Year awardee Raymund Almazan, na magapi ang San Sebastian Stags para sa hangad nilang makabalik sa kampeonato.


Ngunit inaasahan namang hindi sila basta na lamang papahintulutan ng nakaraang taong losing finalist na may gustong patunayan sa kanilang sarili sa buong basketball community na may natitira pang buhay ang koponan matapos na mawala ang tinaguriang Pinatubo Trio nina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual.


“Nobody talked about CJ Perez, Jamil Ortuoste and Bradwyn Guinto. But here we are, we were able to make it to the Final Four with this bunch of no namers who want to prove something,” pahayag ni Stags coach Topex Robinson. – Marivic Awitan


.. Continue: Balita.net.ph (source)



4 koponan, magkakasubukan na ngayon sa F4


No comments:

Post a Comment