Thursday, November 14, 2013

3 pang laban, idinagdag sa One FC

Tatlo pang laban ang idinagdag ng One Fighting Championship, ang pinakamalaking organisasyon ng mixed martial arts sa Asya, sa nakatakda nitong event sa Manila sa darating na Disyembre 6.


Tinawag na `One FC: Moment of Truth’, ang nasabing kompetisyon ay kakikitaan ng pagbabalik sa One FC cage ng paborito ng Filipino MMA fans na si Eduard Folayang.



Makakaharap niya ang Dutch-Indonesian striker na si Vincent Latoel.


Sasabak din sa aksiyon sina Leandro Issa at Koetsu Okazaki sa kanilang bantamweight bout, habang ang wala pang talong Koreano na si Dae Hwan Kim ay makakatunggali naman si Thanh Vu ng Australia sa una nitong laban sa One FC.


Sina Folayang at Latoel ay dalawa sa sinasabing pinakamagaling na lightweights sa mundo ng MMA at ang kanilang paghaharap ay siguradong magiging mainit at dikdikan. Pilit papagpagin ng dating SEA Games champion na si Folayang ang mapait na pagkatalo sa kamay ng Iranian na si Kamal Shalorus noong Mayo at gagawin ang lahat upang makuha ang pagwawagi kontra sa beteranong si Latoel sa kanilang pagtutuos sa Mall of Asia Arena.


Sa kabilang dako, inaasahang magiging mainit din ang bakbakan sa pagitan ng Brazilian jiu-jitsu expert na si Issa at ni Okazaki. Si Issa ay isang multipletime BJJ world champion na eksperto sa grappling, habang si Okazaki ay isa sa pinakamagaling na bantamweight mula sa Japan na eksperto naman sa submission.


Layon naman ni Kim, ang kasalukuyang KAMMA at DMMF bantamweight champion, na mapanatiling malinis ang kanyang MMA record sa kanyang pakikipagsukatan ng galing kay Vu.


Bukod kay Folayang, ilan pang Pinoy MMA fighters ang nakatakdang lumaban sa susunod na buwan.


Sina Kevin Belingon, Geje Eustaquio, Eugene Toquero at Honorio Banario ay sabik na ring lumaban sa harap ng mga kababayan.


Makakaharap ni Kevin Belingon ang Spanish submission specialist na si David Aranda Santacana, habang sina Eustaquio at Toquero ang magkakatapat.


Sa main event naman ang laban ni Banario laban kay Koji Oishi ng Japan sa kanilang rematch para sa kampeonato sa featherweight division. Matatandaan na tinalo ni Oishi sa pamamagitan ng knockout si Banario noon ding Mayo upang maagaw ang titulo.


Mabibili na ang mga tiket para sa `One FC: Moment of Truth’ sa lahat ng sangay ng SM Tickets o online sa www.smtickets.com. – Kristina Maralit


.. Continue: Balita.net.ph (source)



3 pang laban, idinagdag sa One FC


No comments:

Post a Comment