Monday, June 2, 2014

HULIDAP, KIDNAP NG PNP R3

ito-ang-totoo-colored3 MAKALILIGTAS kaya sa atensyon ni Kuyang PNP Director-General Alan Purisima ang katarantaduhan ng mga tauhan niya sa PNP Region 3?


Ito Ang Totoo: panay ang “raid” ng mga elemento ng PNP R3 sa mga establisimyento sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Gitnang Luzon, laban sa anila’y “human trafficking, lewd show, prostitution, illegal gambling, etc.”


Pero kapag kinumusta, wala namang kinakasuhan sa mga hinuhuli dahil pera ang habol ng mga pulis na makakapal ang mukha at hindi pagtatama sa mali, kung meron man.


Halimbawa sa Olongapo, nilusob ng mga tauhan ng PNP R3 Regional Intelligence Division ang Rum Jungle Bar sa Bgy. Barretto at hinakot ang 29 kababaihan at tatlong lalaki na security guard, manager at mismong ang may-aring si David Fischer na pangulo ng Beach Boulevard Businessmen’s Association.


Walang search o arrest warrant o mission order man lang ang RID na pinamunuan ng isang PCI Melvin R. Montante na hindi naka-uniporme tulad ng 6 niyang kasama, liban sa ika-7 na sitaw ang ranggo.


Una munang sapilitang kinaladkad nina Montante ang dalawang babae sa isang otel sa Baloy Beach at saka dinala sa pinagtatrabahuhang Rum Jungle Bar kung saan lahat ng naroon ay inaresto at dinala sa Camp Olivas, Pampanga.


May “Human Trafficking” daw sa Rum Jungle Bar kasi sumama ang dalawang babae sa dalawang Koreano sa pagtungo sa otel. Kung may human trafficking, bakit hindi hinuli pati ang dalawang hinayupak na Koreano? Bakit kinuha sa Hotel ang mga babae at saka ibinalik sa bar sabay raid na rin?


Ang pinakamalaking tanong: bakit matapos ang 15 oras ay pinakawalan rin ang lahat nang walang kaso? Lumalabas kasi, ayon mismo sa mga saksi, na pera ang habol ng gagong si Montante na pinag-utusan malamang ng nakatataas sa kanya, kaya matapos makapiga kay Fischer ng P750 K sa hinihinging P1.5 M, ay parang wala na lang nangyari.


Ang hinayupak na si Montante, nag-abiso pa umano na regular na nilang bibisitahin si Fischer para sa regular na “koleksyon” kahit giit ni Fischer na wala namang iligal na gawain sa kanyang negosyo.


Ito Ang Totoo: marami nang raid na ganito sa Gitnang Luzon at sa Olongapo lang ay nakakailan na, tulad ng: 1) Nob. 24, 2013 sa Arizona, 18 ang inaresto, walang sinampahan ng kaso; 2) Disyembre 2013 – Emu Tavern; 3) Peb. 6, 2014 – Purple Haze Bar; at 4) Legacy Disco Bar.


Sa Subic Bay Freeport, noong Abril 13, 2014, P3M ang napiga ng mga tauhan ni PNP R3 Director CSupt. Raul Petrasanta sa may-ari ng Venus Club.


Bulag, pipi at bingi si Petrasanta sa mga reklamo laban sa mga tauhan niya na inihahain ng mga punong bayan/lungsod, hindi kaya ang kanyang mata, bibig at tenga ay may tapal na?


Si Kuyang PNP Chief Purisima na lamang ang pag-asa at tingnan natin kung may gagawin siya. Ito Ang Totoo!


The post HULIDAP, KIDNAP NG PNP R3 appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



HULIDAP, KIDNAP NG PNP R3


No comments:

Post a Comment