Sunday, June 29, 2014

CHA-CHA PARA SA DAYUHAN AT KINA PNOY AT MGA KKKK

benny-antiporda611 MAYA’T maya ay pinalulutang ng mga ganid sa ekonomiya at pulitika ang Charter Change o Cha-cha.


Drama ng mga anak ng putakte sa Kamara, gusto man o hindi ni Pangulong Noynoy, isusulong nila ang Cha-cha.


At gagamitin nila ang sistemang Contituent Assembly para sila-sila na lang daw ang magbabago ng 1987 Constitution.


Maaari umanong pumayag na rin ang Senado rito dahil kontrolado na umano ng mga tsuwariwap ni PNoy ang mayorya sa Senado, gaya ng sitwasyon nila sa Kamara.


Gastos lang daw ang sistemang Constitutional Convention dahil magpapatawag pa ang Commission on Elections ng halalan para sa mga delegado.


Mahirap din umanong gamitin ang sistemang People’s Initiative dahil sa magastos na pagpapapirma sa milyon-milyong katao sa buong bansa.


Itong tatlong sistema, mga Bro, ang itinatadhana na paraan o sistema para sa pagbabago ng Konstitusyon.


SIMPLE LANG ANG GAGAWIN


Sabi ng mga Cha-Chero sa Kamara, hindi naman nila umano talaga babaguhin ang Konstitusyon.


Daragdagan lang umano nila ng “as may be provided by law” ang lahat ng mga nais nilang baguhin na tadhana ng Konstitusyon.


Kailangan umano ito para makahabol sa panahon ang Konstitusyon na niluma na ng panahon dahil ginawa ito noon pang 1987 o 27 taon nang nakalilipas.


Sa halip kasi umanong makatulong ang Konstitusyon para sa pag-unlad ng buong bansa, nagiging sagabal na umano ito.


HATIANG 60-40


Isa sa mga pinag-iinitan ng mga Cha-chero ang sinasabi ng Konstitusyon na kinakailangang 60-porsyento ang pagmamay-ari ng mga Pinoy sa lahat ng mga kompanyang itinatatag sa Pinas na may sosyong dayuhan.


Dapat na 40% lang ang aangkinin ng mga dayuhan.


Ito’y upang ang interes ng mahal kong Pinas o mamamayang Pinoy ang mamamayani sa lahat ng mga negosyo sa Pinas.


Kung may 100% man na pag-aari ng mga Pinoy, dapat sa mga negosyong itinatatag lang ng mga Pinoy.


PINOY WALANG KAPITAL


Sabi ng mga Cha-chero, walang kapital ang mga Pinoy.


Nakararami umano sa mga Pinoy ang kaya lang magpatayo ng negosyong may kabuuang salapi at pag-aari na nagkakahalaga ng P3-milyon o ‘yung tinatawag na micro business hanggang medium business lang na may P100M salapi at pag-aari.


Bagama’t nasa 63% umano ng kabuuang 48M obrero sa Pinas ang empleyado ng mga negosyong Pinoy, nasa 40% lang ang halaga ng benta kumpara sa mga nakatayong malalaking negosyo.


Samantala, bilyon-bilyon ang kapital ng mga dayuhan at kayang magpatayo umano ang mga ito ng mga napakalalaking negosyo at makapag-eempleyo na rin ng milyon-milyong Pinoy.


Dahil sa walang kapital, nanatili umanong maliliit ang mga negosyong itinatayo ng mga Pinoy at hindi kayang makikompetensya sa mga dayuhang negosyante, tao man o kompanya.


Higit dito, ito umano ang dahilan kung bakit hindi umuunlad ang Pinas at hindi umaangat sa buhay ang mga Pinoy.


60-40 GIBAIN


Tanging ang paggiba umano sa tadhana ng Konstitusyon na 60-40 hatian sa pagmamay-ari at kontrol sa negosyo o kompanya ang remedyo upang makapasok umano ang mga dayuhan at maglagak ng kanilang mga kapital sa mahal kong Pinas.


Kapag sila na ang magmamay-ari sa mga lupain, karagatan at kalangitan ng Pinas, dito na umano uunlad ang Pinas.


Maaari umanong magiging asyenda o mas malawak pa sa 6,000 ektaryang Hacienda Luisita ang mga lupaing mapupunta sa mga dayuhan para paunlarin.


Maaaring maging taniman ang mga ito, hindi lang ng palay, mais at gulay kundi ng iba pang komersyal na mga pananim.


Dahil mga barko at hindi bangka ang gamit ng mga dayuhan, makukuha rin umano ang mga yamang-dagat ng Pinas.


At sa mga lupa at karagatan, makukuha rin ang mga langis, bakal, ginto, tanso, pilak, asupre at iba pang yaman ng Pinas.


Pupuwede ring maghari ang mga dayuhan sa mga negosyong panghimpapawid gaya ng mga pang-cargo at pampasaherong eroplano.


At simple lang ang ibubunga ng lahat ng ito. Uunlad ang Pinas at magiging hapi ang lahat.


PNOY, PRESIDENT FOREVER


Habang nag-iilusyon ang mga tsuwariwap ni PNoy ukol sa kaunlaran at kaligayahang ihahatid ng Cha-cha, kasabay naman nito ang pagpapalipad-hangin nila na mangyayari lang lahat ng ito kung magpapatuloy si PNoy na Pangulo ng bansa.


Wala umanong mangyayari kung mapapalitan si PNoy sa 2016 at hindi umano magiging tuloy-tuloy ang Tuwid na Daan na kanyang inilalakad, lalo na sa pamahalaan.


KASALI SILA


Hindi nila sinasabi pero ang totoo, gusto nilang isali ang kanilang mga sarili sa gusto nilang mangyari kay PNoy.


Upang matupad ang kanilang pangarap na manatili sa puwesto hanggang sa magkandapeste-peste na lang sila, gusto rin nilang maretoke ang bahagi ng Konstitusyon na nagsasabing hanggang “anim” na taon lang ang panunungkulan ng Pangulo ng bansa.


SIMPLENG TANONG


Simple lang ang mga tanong dito, mga Bro.


Maniniwala ba kayo sa mga katwiran ng mga hunghang na naglalakad ng Cha-cha?


Nais ba ninyong maging pag-aari ang Pinas ng mga dayuhan?


Gusto ba ninyong wala nang ibang mamumuno sa bansa kundi si PNoy at ang kanyang mga KKKK?


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post CHA-CHA PARA SA DAYUHAN AT KINA PNOY AT MGA KKKK appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



CHA-CHA PARA SA DAYUHAN AT KINA PNOY AT MGA KKKK


No comments:

Post a Comment