Monday, June 30, 2014

MANILA, MAKATI NAGSANAY SA LINDOL; ‘YUNG IBA?

_benny antiporda NAGSAGAWA ng earthquake drill o pagsasanay laban sa lindol ang lungsod ng Makati kahapon.


Ngayong araw naman ay magsasagawa rin ng katulad na pagsasanay laban din sa lindol.


Pero sa Makati, binigyan nila ng konsentrasyon ang pag-blackout ng buong lungsod.


Sa Manila naman, ‘yang posibleng paglaki ng Manila Bay ang inimadyin nila.


Ano ang mga dapat na gawin kung magkakaroon ng tsunami na aabot sa ikalawang palapag at papasok sa Maynila ang tubig hanggang sa 4-5 kilometro? Tanong sa pagsasanay.


7.9-8.2 LINDOL


May mga earthquake drill sanhi ng malakas-lakas o 5.7 magnitude na lindol na tumama sa Batangas at malawak-lawak na lugar sa Luzon nitong nakaraang linggo.


Dahil sa nasabing lindol na nagpasayaw nang kaunti sa mga naninirahan sa Metro Manila, biglang nagising ang lahat ukol sa babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na posibleng magkaroon ng lindol sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan anomang araw.


Ito’y dahil sa umabot na sa panahon ang paggalaw ng lupa sa nasabing lugar sanhi ng mga malalaking bitak ng lupa sa West Valley Fault o Marikina Fault.


Maaaring lilindol din sa West Philippine Sea na nakaharap sa kanlurang bahagi ng ating bansa.


Sabi ng Phivolcs, maaaring aabot sa 7.9-8.2 ang lakas ng lindol at mas malakas ito sa tumama sa Baguio City at Cabanatuan City noong 1990. na ikinamatay ng daan-daang katao at ikinasira ng bilyon-bilyong halaga ng ari-arian.


HINDI BIRO


Talagang hindi biro ang lindol na kasinglakas o mas malakas sa lindol sa Baguio-Cabanatuan.


Sabi ng Phivolcs, kung gagalaw ang dalawang lindol, maaaring aabot ang tsunami sa 7-8 metro ang taas at tama lang na dalawang palapag na bahay ang lulunurin o wawasakin nito.


Dahil nakaharap nga ang Manila sa Manila Bay na posibleng panggagalingan ng tsunami, tama lang ang paghahanda ng pamahalaan ni Pareng Erap.


Kaya naman, susubukan nila ngayong araw ang pagkilos ng kanilang mga gamit na sasakyang First Responder, ang mga bangka, ang mga tauhan laban sa kalamidad, ang mga makinarya, ang mga gamit laban sa blackout, ang mga search and rescue at marami pang iba.


Ang mga barangay official kaya, magiging bahagi ba sila ng malaking pagsasanay na gagawin ng Maynila?


Syempre naman, pero paano nga sila paghahandain sa labis na kakulangan ng kanilang mga tauhan, gamit, pondo at marami pang iba?


MABUTI KAYSA WALA


Sabi ng mga taga-Barangay, mabuti kaysa wala ang anomang pagsasanay.


Lalo na ang mga barangay na nakaharap sa karagatan at ang iba pang mga barangay na maaaring pasukin at abutin ng tsunami.


Sa gagawing pagsasanay, hihiling umano sila ng mga ayuda mula sa pamahalaang lungsod. Marami kasi umano sa mga barangay ang wala o dispalinghado ang mga kagamitan laban sa tsunami.


Halimbawang may babala ng tsunami, paano, halimbawa nila ililikas ang libo-libong tao nang mabilis patungo sa mga ligtas na lugar?


Dito lang umano ay sumasakit na ang ulo ng mga kapitan ng barangay na nakaharap o malapit sa mga karagatan.


Masasama raw ba sila sa nasa 500,000-1,000,000 na mamamatay sa Metro Manila?


Paano kung gigibain ng lindol ang nasa 300,000 na kabahayan at gusali?


Nakupo, sakit nga ng ulo.


MASAHOL PA SA YOLANDA


Ang taas ng tubig na inaasahan sa Metro Manila mula sa 7-8 metrong tsunami ay kasingtaas ng tumama sa Leyte at Samar.


Kulang-kulang sa 10,000 ang natsugi nating mga kababayan kahit na dine-deny ng Palasyo ito.


Dahil sa pangyayaring ito, ano nga ang mangyayari kung mangyari ang nasabing tsunami sa Manila… at iba pang lungsod na nakaharap sa Manila Bay, gaya ng Navotas, Malabon, Pasay, Parañaque at mga nasa Cavite at Bulacan?


Kapag pinagsasama-sama ang lahat ng ito, nakupo, parang impiyerno ang Pilipinas tiyak.


Kung naging impiyerno ang naganap na tsunami sa Yolanda areas, ‘di lalong mas masahol ang magaganap sa Metro Manila?


TORE SA MAKATI


Kilala ang Makati na lugar ng mga tore sa Pinas.


‘Yun bang nagtataasan ang napakaraming gusali sa lungsod ni Vice President Jojo Binay.


Sa blackout lang, paano ang buhay ng mga nasa napakatataas na gusali? Pati ang city hall ng Makati ay isa ring tore sa lungsod.


Sa blackout, walang elevator at walang escalator na umaandar. Paano iligtas ang mga nasa matataas na gusali?


Eh, kung dahil sa blackout, eh, nagkaroon naman ng mga sunog at sabay-sabay na masusunog ang mga matataas na gusali, ano-ano nga ang mga gagawin?


Kung halimbawang gabi pa ang pangyayari, ano-ano ang mga gagawin?


Lalo na kung magbagsakan ang mga gusali gaya nang nangyari sa Baguio at Cabanatuan?


PAGBABAHAGI


Matapos ang lahat ng mga pagsasanay na ito, mungkahi nating magbigay ang mga nasabing lungsod ng mga karanasan sa kanilang mga earthquake drill at humango ng mga mahahalagang aral dito.


Bigyan nila ng pansin ang mga kalakasan at kahinaan nila at ang posibilidad ng mahigpit na tulungan ng dalawang lungsod.


Ang ibang mga lungsod, ano naman ang balita sa inyo, mga Bro?


Para sa mga mamamayan, dapat na kalabitin nila ang kanilang mga pinuno para rin sa mga kaukulang pagsasanay.


Aba, mahirap nang maging walang kamuwang-muwang sa kalamidad na lilikhain ng mga lindol sa Metro Manila.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post MANILA, MAKATI NAGSANAY SA LINDOL; ‘YUNG IBA? appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



MANILA, MAKATI NAGSANAY SA LINDOL; ‘YUNG IBA?


No comments:

Post a Comment