Sunday, June 29, 2014

5 magnanakaw ng kawad ng kuryente nasakote

NARESOLBAHAN na ng mga residente ng isang barangay ang palagiang brownout sa kanilang lugar dahil sa madalas na nakawan ng kawad sa koryente makaraang maaresto ang limang lalaki kabilang na ang apat na menor-de-edad na tinaguriang grupo ng “Spaghetti Gang” sa Taguig City.


Mistulang nabunutan ng tinik ang mga residente sa Barangay Calzada Tipas nang madakip ng mismong mga naninirahan sa Ruhalle Street, Calzada Tipas ang limang suspek habang bitbit pa ang mga ninakaw na kawad ng kuryente.


Sa ulat ng pulisya, nanonood ng telebisyon sa kanilang bahay sa Ruhalle Street si Juvy Oray nang maputol ang suplay ng kuryente.


Nang sumilip sa pintuan si Oray, nakita niya ang limang lalaki na pinagtutulungang bitbitin ang mga ninakaw na kawad.


Kaagad na humingi ng tulong si Oray sa kanyang kapitbahay na sina Roque Santos at Maria Teresa Sison hanggang masakote nila ang lima na pinamumunuan ng isang Joffrey De Guzman, nasa hustong gulang, habang pawang menor-de-edad na binatilyo ang kanyang kasabwat.


Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na pawang mga residente ng Pulang Arienda, Taytay Rizal ang mga suspek na dumayo lamang sa Taguig city upang mangulimbat ng kawad ng kuryente.


Ayon sa mga residente, ilang ulit ng napuputol ang suplay ng kuryente sa kanilang barangay hanggang matuklasan nila na ninanakaw pala ang mga kawad ng nabatid na grupo.


Itinanggi naman ni De Guzman na may kinalaman sila sa mga naunang insidente ng pagnanakaw ng kawad sa naturang lugar.


Sa limang nadakip, tanging si De Guzman lamang ang sinampahan ng kasong pagnanakaw sa Taguig City Prosecutors Office habang ang apat niyang kasabwat na binatilyo ay dinala sa lokal na Social Welfare and Development para sa kaukulang disposisyon.


The post 5 magnanakaw ng kawad ng kuryente nasakote appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



5 magnanakaw ng kawad ng kuryente nasakote


No comments:

Post a Comment