BULUNG-BULUNGAN ngayon sa labas ng Malacañang ang planong destabilisasyon dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa ilalim ng administrasyong Aquino.
May mga nagsasabing nag-aaklas ang damdamin ng mga sundalong ang pamilya ay nahihirapan sa sitwasyong pinagdaraanan dahil sa kawalan ng aksyon ng gobyerno ni Pangulong Aquino sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, bigas at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga Filipino.
Hindi na ang mga dating opisyal at kawal ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na naunang nag-aklas para magkaroon ng People Power 1 and 2 ang nangunguna ngayon kundi ang mga bagong sibol na nahihirapan dahil sa kawalan ng pagtingin sa kanila ng pamahalaan.
Anila, patuloy ang pagkamal ng salapi ng mga nasa pamahalaang Aquino tulad ng mga KKKK at ilang pinuno ng mga departamento pero wala namang hakbang na ginagawa ang Pangulo upang kasuhan ang mga ito habang ang mga katulad nila na nagpapanatili ng kaayusan ng bansa ay patuloy na hindi man lang nabibigyan ng biyaya tulad ng dagdag sa kakarampot na sahod.
Mula nang maupo umano si Pangulong Noynoy ay hindi man lang nadaragdagan ang kanilang sahod at ang ilang benepisyo na ipinangako sa kanila ay patuloy na nakabinbin.
Sabi pa nga ng mga sundalong ito, patuloy ang smuggling sa bansa pero hindi magawan ng paraan ni Pangulong Aquino ang kakulangan sa suplay ng bigas, bawang, sibuyas at iba pang produkto gayong maraming inaangkat ang nakabinbin lang sa international ports sa pangangalaga ng Bureau of Customs at malapit nang mabulok.
Sa halip na mabulok ang mga bigas at iba pang produktong ito, bakit hindi na lang mag-utos si PNoy na ipalabas ang mga ito at ipakalat sa mga pamilihang bayan upang sa gayon ay mapakinabangan, lalo na ng mga mahihirap na ang perang pambili ay limitado lang.
Pero dahil nga sa walang puso para sa mahihirap ang Presidente ng bansa, walang pakialam ito kung anoman ang mangyari, lalo na kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo, sapagkat magaling naman ang kanyang mga tagapayo at tagasulsol sa pagtuturo kung kanino isisisi ang mga problema.
Tiyak na hahanap na naman ang mga ito ng kalaban sa pulitika na maituturo sa mga kaganapan. Pero darating ang panahon na mauubos ang mga ituturo ni PNoy kaya mapipilitan din itong maglaglag ng kanyang mga kaalyado at kasama sa partido.
Ayon sa mga nagpaplano ng pag-aaklas laban sa kasalukuyang pamahalaan, maraming suplay ng NFA rice ang nabibili ng mga negosyanteng malakas sa pamahalaan at inihahalo sa mga paninda nilang mamahaling bigas.
Dapat daw na ipagbawal ni Pangulong Noynoy ang hindi pagbebenta ng NFA rice ng mga pribadong pamilihan. Kailangan, ang isang tindahan ng bigas ay mas marami ang tindang NFA rice kaysa sa mamahaling bigas, bukod pa ang dapat na pagkakaroon ang gobyerno ng monitoring team laban sa mga iligal na nagbebenta ng bigas na may halong NFA rice.
Baka sakaling sa halip na mabulok ang NFA rice sa mga bodega ay mapakinabangan ng mga nagugutom at mahihirap na mamamayan.
The post PNOY, ‘ALANG PUSO SA MARALITA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment