NAKALULUNGKOT ang ulat na apat na estudyante ang bagong biktima ng hazing ng isang fraternity.
Ang isa, si Guillo Cesar Servando, 18, ay namatay matapos hindi kayanin ang hirap ng ginawang pananakit sa kanya.
May lead na umano ang Manila Police District para mahuli ang mga nagsagawa ng hazing kay Servando, sophomore student ng De La Salle-College of St. Benilde.
Ang tatlong kasama ni Servando, mag-aaral din ng nasabing eskuwelahan, ay nagpapagaling sa Philippine General Hospital. Buhay na testigo sila para sa ikalulutas ng kaso. Dapat silang mahigpit na mabantayan ng mga awtoridad at maisailalim sa witness protection program.
Ayon sa police report, matapos ang hazing ay ibinaba na lang sila sa isang condominium sa Maynila. Kapatirang Alpha Kappa Rho (AKRHO) ang nag-recruit sa mga biktima.
Sa tuwing magsisimula ang pasukan o hindi lumilipas ang klase sa isang buong taon, imposibleng walang isang estudyante na naiuulat na biktima o napatay sa hazing.
Sa panahon ngayon, ang karahasan sa mga kabataan ay ‘di lang makikita sa mga lansangan kundi sa mga paaralan at unibersidad. Maging ang sororities ay dumaraan sa malupit ritwal.
Maraming dahilan kung bakit may mga kabataang sumasali sa fraternity: para maging astig; magkarooon ng mga bagong barkada; at magkaroon ng proteksyon sa pambu-bully ng ilang grupo.
Bagama’t may batas laban sa hazing na RA 8049 na naipasa noong 1991 matapos ang pagkamatay ni Leni Villa, estudyante ng Ateneo de Manila School of Law, patuloy ang marahas at karumal-dumal na pagpatay sa ilalim ng nasabing ritwal.
Maging ang hazing sa military at police academy ay hirap matuldukan. Isa ito sa sinasabing dahilan kaya ang ilan sa mga nagsisipagtapos sa Philippine Military at National Police Academy ay nagiging marahas, malupit, buwang at dumarating sa puntong lumalabag sa human rights sa serbisyo.
Talamak din ang hazing maging sa mga institusyon na sinasabing may mataas na antas ng pagtuturo.
Ayon kay Sen. Tito Sotto, patuloy na darami ang mamamatay sa hazing kung hindi mareresolba ng Department of Justice (DoJ) ang mga nakabimbing kaso rito. “None of the previous hazing incidents have been solved. The DoJ should exert more effort in the prosecution of these cases. Otherwise, there will be more deaths to come.”
Walang kakayahan o tila ayaw lang parusahan ng estado ang mga responsable sa hazing. Ang mga fraternity, partikular sa legal profession, ay patuloy sa pagtangging parusahan ang mga “kapatid” na nahatulan na ng husgado. Ang kaso ni Leni Villa ay tumagal pa ng 20 taon bago nakamit ng kanyang pamilya ang hustisya.
Ang karahasan at kalupitan ay hindi dapat ipino-promote sa mga grupo o kapatiran. Dapat kumilos ang pamunuan ng mga unibersidad at student councils sa pagbuo ng adbokasiya at kampanya na magtuturo sa mga mag-aaral na umiwas sa mga halimaw na kapatiran. Itigil na ang hazing!
The post MGA HALIMAW SA KAPATIRAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment