NAGTULONG sina Earl Thompson at Juneric Baloria upang sungkitin ang unang panalo ng University of Perpetual Help System Dalta sa nagaganap na 90th NCAA senior basketball tournament sa The Arena sa San Juan kaninang hapon.
Bumira sina Thompson at Baloria ng 27 at 26 puntos ayon sa pagkakasunod upang paluhurin ang Mapua Cardinals 91-57 at ilista ang 1-0 win-loss slate.
Sinahugan pa ng 16 rebounds at anim na assist ang ipinakitang tikas ni Thompson.
Kumayod agad ang mga bataan ni Perpetual coach Aric Del Rosario upang hawakan ang manibela sa first canto, 20-10 at nagtuloy-tuloy ito sa second quarter para mapataas pa ang kanilang lamang, 39-26.
“Palagi ko sila kinakausap na kung gusto nila mapansin, ito na ang pagkakataon na magpasikat sila,” patungkol ni Del Rosario kina Thompson at Baloria.
Uminit ang shooting ni Baloria matapos bumira ng 14 puntos sa halftime.
Lumubo ang lamang ng UPHSD sa third period ng ilista nila ang 30 puntos na abante, 65-35.
Hindi maawat ang pagsalpak nina Thompson at Baloria ng tres sa third quarter kaya naman halos lupaypay na ang mga Cardinals pagpasok ng fourth period.
“Final Four na kami last years kaya umaasa kaming mas maganda pa ipakita namin ngayong taon,” saad pa ni del Rosario na dalawang sunod na taong dinala ang Altas sa Final Four.
Nag-ambag din sina Joel Jolangcob, Harold Arboleda at Gerald Dizon ng walo at tig-anim na puntos ayon sa pagkakahilera upang paabutin sa 40 puntos ang abante ng Altas pay off period, 73-44.
Si Joseph Eriobu ang nanguna sa opensa para sa Cardinals matapos ilista ang 16 pts. habang sumegundo si Andrew Estrella na may 14 markers.
The post Altas pinaluhod ang Cardinals appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment