Monday, June 30, 2014

PNP CHIEF KAY PNOY, CUTE BA AKO?

experto CHECKPOINTS dito, checkpoints doon!


Ipinapakita ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng liderato ni Alan Purisima na epektibo ang kanilang taktika upang sugpuin ang kriminalidad sa buong bansa.


Ubra naman pala pero bakit hindi ginawa noon? Ubra naman pala na magkaroon ng sangkaterbang checkpoints sa buong bansa pero bakit hinayaan muna nilang lumala ang sitwasyon?


Ang problema kasi sa PNP ay hindi ang institusyon kundi ang mismong mga pulis. Lalo na ‘yung mga pulis na nasa itaas na walang alam kundi isipin ang karaketan sa loob ng pulisya.


Ang sabi ng kaibigang kong pulis-Marilao doon sa Bulacan, kikilos daw ang mga pulis na nasa ibaba kung gugustuhin lamang nung mga nasa itaas. Ang krimen ay malulutas ng mga ‘pulis-ibaba’ kung may direktiba ang ‘pulis-itaas’.


Pero kapag nakikita ninyo sa inyong lugar na raketista ang ‘pulis-ibaba’, tiyak na raketista ang kanilang ‘pulis-itaas’. Subalit malulutas naman ang mga krimen sa ating lugar kapag ginusto rin naman ng ‘pulis-itaas’. Ganyan po iyan!


Doon nga sa amin ay minsan nagreklamo ang kapitbahay ko sa mga pulis dahil ninakawan sila pero walang pulis na dumating dahil wala raw gasolina. Doon na lamang daw sila magreklamo sa barangay.


Mantakin ninyo yan!


Pero nang minsan may nakiusap sa kanila na isang dayuhan para kunin ang mamahaling kagamitan sa bahay ng kanyang asawa na mayroon nang ibang asawa, aba…aba.. parang Public Enemy No. 1 ang sadya nila.


Alam ba ninyo kung bakit? Mabilis pa sa alas-kuwatro ay nagtungo ang dalawang pick-up truck ng PNP na punung-puno ng miyembro ng SWAT – full battle gear ang ungas at mahahaba ang dalang baril.


Anak ng kagaw!


Sino ang maniniwala sa pulis kapag ganito ang sistema nila sa pagbibigay ng serbisyo? Sino ang maniniwala ngayon sa PNP sa kanilang sangkaterbang checkpoints?


Sino ang maniniwala ngayon kay General Purisima gayung nangyari ang lahat ng ito dahil nasipat ng Malakanyang na pangit ang trabaho ni Purisima patungkol sa usapin ng kriminalidad sa buong bansa.


Kaya bilang ganti naman sa Malakanyang ay agad nagpa-CUTE naman ang PNP ni Purisima sa pamamagitan ng aktibong paglalagay ng checkpoints sa buong bansa lalo na sa Kamaynilaan.


Pero kung hindi nasipat ng Malakanyang, tuloy ang pagkakamot ng ba… ni Purisima sa kanyang bago, magara at mamahaling bahay sa loob ng Kampo Crame.


***

Para sa inyong komento o suhestyon: 09237397381


The post PNP CHIEF KAY PNOY, CUTE BA AKO? appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PNP CHIEF KAY PNOY, CUTE BA AKO?


No comments:

Post a Comment