Sunday, June 29, 2014

BAGONG UNIPORME NG PNP

BIGWAS_Gil-Bugaoisan1-111 SA halip na tanggapin ang katotohanan at harapin ang mga suliranin ng bansa ay halatang “in denial” pa rin itong si PNoy. Ito ang dahilan kung bakit sa halip na masolusyonan ang mga suliraning ito ay lalo pa itong lumalala na siyang dahilan naman upang lalong mawalan ng kumpiyansa ang ating mga mamamayan sa ating pamahalaan.


Gaya na lamang itong sitwasyong pangkapayapaan sa ating bansa. Halos sunod-sunod ang patayan sa bawat sulok ng bansa at kabi-kabila ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen.


Ngunit sa halip na tanggapin at harapin ang problemang ito ay nagpapalusot pa itong si PNoy. Sa halip na sabunin at sipain itong si PNP chief Director General Alan Purisima dahil sa kanyang kapalpakan ay lalo pa siyang pinagtatakpan ng Malakanyang.


Isa sa mga lalong nakapanggigigil ay itong ginagawa ng Malakanyang na tila sinisisi pa ang mga nakalipas na administrasyon kung bakit ang taas ng krimen sa ating bansa.


Aba’y sabihin ba naman nitong si Presidential Spokesman Edwin Lacierda na kaya raw mataas ang bilang ng krimen sa bansa ay dahil tama na raw at hindi na dinodoktor ang ating crime statistics. Hindi ka ba nanood ng balita, sir?

Hindi mo na kailangan ang statistics para mapagtanto na lubhang malala na ang krimen sa bansa!


Sa halip na kumilos upang masugpo ang krimen ay puro pa-cute ang ginagawa nitong PNP. Ang akala yata ng mga ulupong na ito ay mapabubuti ang kalagayang pangkapayapaan sa ating bansa kapag nagsuot na sila ng magandang uniporme.


Ang lalong nakapanggigigil ay itong ginagawang panggigipit ng PNP sa mga mamamayang naninindigan upang maipagtanggol ang kanilang sarili at kanilang mga mahal sa buhay.


Kung ganito ang sitwasyon sa ating bansa ay hindi na ako magtataka kung isang araw ay mauuwi na sa anarkiya ang ating bansa. Napakarami sa ating mga kababayang galit na galit sa pamahalaan ay mga lehitimong gun owner at hindi na ako magtataka kung isang araw ay maisipan na rin nilang mag-aklas laban sa bulok na palakad ni PNoy.


Ayaw nating mangyari ito dahil kahit kailan ay hindi maaring maituwid ang mali sa pamamagitan ng isa pang pagkakamali. Subalit malapit nang umabot sa sukdulan ang galit ng mga mamamayan at tiyak na ito ay sisiklab kapag patuloy na nagbubulag-bulagan itong ating pamahalaan.


***

Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.


The post BAGONG UNIPORME NG PNP appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



BAGONG UNIPORME NG PNP


No comments:

Post a Comment