DAHIL sa pagmamahal sa mga ManileƱo, pilit na pinagaganda ang paligid at pinauunlad ang kabuhayan at ekonomiya ng kanyang nasasakupan ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Maganda ang layunin ng alkalde na ang katulad ay ang layunin din ng kanyang pinagkakatiwalaan na si Atty. Simeon Garcia, city administrator, na todo trabaho para makatulong sa kanyang mayor at sa mga mamamayan.
Subsob sa trabaho si City Ad kaya naman pati ang kanyang kalusugan ay naapektuhan. Nang magkasakit si Atty Garcia, sinamantala naman ng iba pang nakapaligid kay Mayor Erap na walang inintindi kung hindi ang kanilang sarili.
Nagawa ng mga makasariling opisyal na nakapaligid kay Mayor Estrada na makapagpapirma ng papeles na nagtatalaga sa kanilang mga sarili na maging pangkalahatan ng Task Force Organized Vending na mamamahala ng lahat ng vendors sa Maynila.
Kaya naman sinagad-sagad nila ang operasyon ng pagpapaalis ng mga taal na magtitinda sa Avenida sa ilalim ng Light Railway Transit dahil papalitan ang mga ito ng mga magtitinda na magbabayad sa organizers ng araw-araw.
Kahit anong pakiusap ng mga magtitinda na matagal nang nakapuwesto sa kahabaan ng Avenida ay hindi pinakinggan ng task force dahil ang utos ng pinakaulo nito ay paalisin pilit dahil may mga nakakontrata na silang handang magbayad sa gusto nilang presyo.
Aysus naman. Tiba-tiba na naman ang sindikato na hindi naman talaga concerned sa administrasyon ni Mayor Erap kung hindi ang makabawi sa kitang nawala sa kanya dahil sa pagkatalo sa halalan noong 2013.
Kaya nga ang kanyang mga bata-batutang sina Boy at Oliver ay pawang nag-ikot na sa vendors para magpakilala sabay pakita ng appointment papers ng kanilang amo na nagpapahiwatig na sa kanila ibibigay ang “lingguhang tong.”
Sa pamamahala ni Atty Garcia sa organized vending, walang vendor na nakapagsabi na hinihingian sila ng abogado.
Nabubuking na pawang ang mga tauhan ng ulo ng task force organized vending ang sangkot sa kotongan.
Maaaring kaya nakapagpapirma ang mga makasariling opisyal ay dahil siniraan nila si City Ad sa butihing alkalde.
“But you cannot put a good man down.”
Lalabas din ang katotohanan na pawang kasakiman at pansariling kabuhayan ang layunin ng mga ito.
Gayunman, maganda ba ang ugali ni Atty Garcia na hinahayaan na lang ang mga sumisira sa kanya na suntukin siya nang suntukin?
Tila mali ang kanyang paninindigan na hayaan ang mga kalaban na umatake.
Sina Manny Pacquiao at Nonito Donaire, kapwa boksingero ay malalakas at matatatag subalit kapag panay ang atake ng kanilang kalaban at puro salag at iwas lang ang kanilang ginawa ay posibleng manghina rin sila o kaya naman ay mapuruhan.
Tiyak, babagsak din kapag hindi natutong sumuntok at magpatupi ng tuhod.
The post BABAGSAK KAPAG WALANG ATTACK appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment