Monday, June 2, 2014

BATO-BATO SA LANGIT, EH, ‘DI MAGALIT KAYO!

baletodo IBAHIN naman natin ang tono ngayon ng BALETODO.


Tungkol sa buhay natin ang isyu. ‘Yung kahirapan natin. Totoo na pabaya ang mga administrasyon noon at ngayon. Walang paki ang mga politiko sa buhay natin. Basta ang nasa isipan nila, paano pa magnakaw ng pondo ng bayan para sa kanilang pansariling pagyaman.


Kaya naman, sunod-sunod ang isyu ng kahirapan. Walang trabaho, walang mapasukan. Walang pagkain sa hapag kainan kaya marami ang nagkakasya sa pagkain na pagpag na lamang. Walang pambayad sa eskwela, kulang ang pambili ng notbuk. Ang hirap ng buhay? Totoo?


Totoo na mahirap ang bansa natin ngayon. Kaya nga nagliliparan sa ibang bansa ang mga kababayan natin, teknikal man o propesyonal para kumita ng disenteng suweldo at kalaunan umunlad ang buhay.


Pero teka. Dapat ba sa gobyerno lahat iasa ang kasaganaan ng buhay na gusto nating maabot? Kung yes ang sagot ninyo, tutol na tutol ako. Mali sa dilang mali ang aktitud na iyan. Magpakatotoo lang tayo kabayan.


Mahirap na nga ang buhay, prayoridad pa rin ng maraming “mahihirap” na kababayan natin ang magkaroon ng cellphone, tablet, computer at mga kauring gadget. Kapag meron ka nito, masaya raw ang buhay. Totoo naman. Ultimong apat na taong gulang nga ngayon ay marunong nang mag-computer games.


Hindi natin inuuri ang magkaroon ng ganyang gadgets. Sabi nga, karapatan! Kaya lang, kung sino pa ang sinasabing mahihirap, sila pa ang mas magastos kaysa mapeperang tao. Kasi ang mayayaman, isang gadget lang para sa lahat na gawa na. At ang bawat pitik nila sa kanilang, panghanapbuhay!


Nakalulungkot kasi na makita ang mga pamilyang dahop na, sila pa ang maraming hawak na gadgets. Halos bawat anak meron. Pati sina nanay at tatay meron din. Sa cellphone na lang, tig-limang pisong load sa mag-asawa at limang anak, P35 kada araw x 30 araw o isang buwan = P1,050 na. Kung may kompyuter pa sa bahay, kulang ang P1,000 kada buwan. Malaking halaga, hindi ba?


Sabi nga, kung sino pa ang mahirap, sila pa ang galanteng gumastos. Damit, gamit, pagkain at libangan. Okay lang kung kaya sana ng badyet, walang problema roon.


‘Yung kakilala ko kasi na ilang pamilya, ang pinag-aawayan ay ‘yung pambili ng load nila!


Sana, unahin natin ang mga mahahalagang gastusin lang sa bahay natin. Sana ay matuto tayong magtipid at huwag gumastos sa hindi natin kailangan. Hindi kasalanan na wala kang gadget sa makabagong panahon ngayon kaysa naman mamatay tayo sa gutom.


Mamuhay tayo nang praktikal at huwag sumabay sa bisyo. Pagkain o load?


The post BATO-BATO SA LANGIT, EH, ‘DI MAGALIT KAYO! appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



BATO-BATO SA LANGIT, EH, ‘DI MAGALIT KAYO!


No comments:

Post a Comment