Sunday, November 3, 2013

SALPUKAN SA SENADO; MADALAS NA PARTY SA MPO

pakurot NANGANGAMOY-GULO na sa Senado sapagkat nagsisimula na ang patutsadahan ng mga mambabatas na pawang naglilinis ng kanilang mga pangalan kaugnay sa pork barrel scam.


Kanya-kanyang ligtas ng sarili ang ginagawa ng mga senador kung kaya’t panay ang tanggi na kilala nila ang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.


Pero kahit anong gawin nila ay ipagkakanulo pa rin nila ang kanilang kaugnayan sa negosyanteng super yaman na sinasabing ang salapi ay galing sa kaban ng bayan.


Isa na si Pangulong Benigno Aquino III sa mga naging katulad ni Hudas na itinatwa si Jesus.


Subalit nagkabukingan pa rin na may mga party at okasyon palang nagkasama at dinaluhan sina Pangulong Noynoy at Napoles.


Matapos ang salpukan nina Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Miriam Santiago, tiyak namang magkakabangga sina Santiago at Osmeña matapos patutsadahan ng huli ang senadora na nagiging political circus ang Senado kapag naroroon ang babaeng mambabatas sapagkat laging gumagawa ito ng eksena.


Pero kapag sinuri mo, parang pareho ang layunin ng dalawang senador na huwag matuloy ang pagdalo sa pagdinig ni Napoles.


Eh, bakit nga ba dapat mapigilan ang pagdalo ni Napoles sa hearing ng Blue Ribbon Committee?


Siyempre, mabubuking na hindi lang ang mga inaakusahan ng whistle blower na si Benhur Luy na sina Enrile, Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada ang nakinabang sa pork barrel kundi maging ang mga kapanalig ni Pangulong Aquino.


o0o


Dalangin ng ilang residente ng Maynila na may problema sa Manila Prosecutor’s Office na sana’y panghimasukan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang madalas na pagkakaroon ng okasyon sa nasabing tanggapan na sakop naman ng Department of Justice.


Ilang beses na rin namang nairereklamo ng mga magpipiyansa ang madalas na pagkakaroon ng party sa tanggapan ng mga piskal kung kaya’t tigil ang trabaho at hindi maproseso ang kanilang papeles para sa pagpipiyansa.


Bukod pa sa reklamong matagal bago mailabas ang information o sumbong galing sa piskal kaya’t inaabot ng maghapon minsan hanggang kinabukasan pa ang pagpipiyansa.


Hindi nga sakop ni Mayor Estrada ang piskalya subalit naniniwala ang mga nagrereklamo na magagawan ng paraan ng alkalde ito upang mapabilis ang pagproseso ng papeles sa nasabing tanggapan na nakagawian na kahit noong nagdaang administrasyon.


The post SALPUKAN SA SENADO; MADALAS NA PARTY SA MPO appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



SALPUKAN SA SENADO; MADALAS NA PARTY SA MPO


No comments:

Post a Comment