Sunday, November 3, 2013

BAKIT WALANG NANINIWALA KAY PNOY?

BIGWAS-gil bugaoisan NAGKAMAMALI itong si PNoy kung sa akala niya ay magbabago na ang pagtingin sa kanya ng ating mamamayan at mawawala na ang ating pagkadismaya pagkatapos ng kanyang nationwide television address. Sa tingin ko, baka lalo lang mabaon ang Pangulo sa ngitngit ng ating mga kababayan dahil lumalabas na puro ito ngawa pero wala namang gawa.


Dito na lang sa kaso nina Agriculture Secretary Proceso Alcala at National Food Authority (NFA) Administrator Orlan Calayag ay malinaw na walang balak si PNoy na baguhin ang mga dahilan kung bakit nawawala na ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa kanya. At sa kabila ng paulit-ulit na pagkadawit nitong si Executive Secretary Paquito Ochoa sa samu’t saring kontrobersiya, kasama na rito ang kaso ng pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles, hindi pa rin ito matinag-tinag sa kanyang pwesto.


Sila ang dahilan kung bakit kahit araw-araw na magpaliwanag si PNoy na ginagawa niya ang lahat para sa bayan ay walang maniniwala sa kanya.


Hindi pa rin naaalis sa isipan ng ating mga kababayan na kanyang pinoproteksiyunan ang mga tiwali sa kanyang pamahalaan.


Lumalabas na bagama’t matigas si PNoy laban sa korapsiyon kapag ang kanyang mga kalaban sa pulitika ang pinag-uusapan, pusong-mamon naman ito kapag ang mga nasasangkot ay ang kanyang mga kapanalig.


Oh ‘di nga ba’t bago pa man naglutangan ang kung sino-sinong pangalan na may kaugnayan kay Napoles ay nauna nang lumutang ang pangalan nitong sina Davao Congressman Isidro Ungab at Iloilo Congressman Niel Tupas? Pagkatapos noon ay tila nabaon na sa limot ang dalawa at ni hindi man lang nasama ang mga ito sa kasong plunder na isinampa laban kay Napoles at ilang mambabatas na nasa oposisyon.


Ganoon ba ang Tuwid na Daan?


Sa pagkakaalam ko, ang makatarungang pamahalaan ay walang dapat itong kinikilalang kakampi kapag ang interes ng bayan ang pinag-uusapan.


Paano tayo maniniwalang malinis ang intensiyon ng Pangulo sa kaliwa’t kanang kaso ng katiwalian na isinampa laban sa ilang personalidad sa pulitika kung kasabay naman nito ang kanyang pagtatakip sa kanyang mga kakampi?


Kung tutuusin ay simple lang naman ang solusyon ni PNoy upang maibangong muli ang nasirang puri ng kanyang administrasyon. Kinakailangan lang ay ipakita sa ating mga mamamayan na wala siyang kinakampihan pagdating sa kanyang kampanya laban sa katiwalian.


Kung siya ay masigasig sa pag-uungkat sa mga diumano’y katiwalian na diumano’y kinasasangkutan ng mga nasa oposisyon, aba’y ganoon din dapat ang kanyang pagpupursigi upang imbestigahan ang katiwalian ng kanyang mga kasamahan.


Hindi naman siguro masama, Mr. President, kung inyong ungkatin ang hindi mapigilang pagdami ng mga Tsinong black sand miner sa ilalim ni Department of Environment Secretary Ramon Paje, o dili kaya ay busisiin ang mga transaksiyon ni Napoles sa Department of Agriculture matapos niyang iupo sa pwesto itong si Alcala.


Hindi rin siguro masama kung tingnan din niya itong naging papel ni Ochoa na ilang beses ding nadawit kay Napoles, maliban pa sa sangkaterbang kontrobersiya na kinasangkutan nito. Sa rami ng kahihiyang idinulot ni Ochoa sa administrasyon, hindi pa ba sapat ito upang ito’y sipain?


Ngunit ang lahat ng ito ay hindi magawa ni PNoy dahil wala pa rin siyang pagkakaiba sa mga taong kanyang tinutuligsa.


***


Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.


The post BAKIT WALANG NANINIWALA KAY PNOY? appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



BAKIT WALANG NANINIWALA KAY PNOY?


No comments:

Post a Comment