Saturday, November 9, 2013

MAHIRAP MAKUMBINSI

Marami ang naniniwala na kahit ano man ang gawin ni PNoy na magpunta sa mga probinsiya at bayan para kausapin ang taumbayan at ipaliwanag ang kabutihang dulot ng Disbursement Acceleration Program (DAP), mahihirapan siyang makumbinsi ang mga tao lalo na pag nalaman nila ang katotohanan hinggil sa P10-Billion pork barrel scam na kinasangkutan ng ilang senador at ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.



Dapat ay sundin na lang ni PNoy ang payo ni ex-Sen. Joker Arroyo na ayon nga kay kaibigang Efren Danao, columnist ng Mla Times, ay hindi kinakausap o kinikibo ng binatang Pangulo noon sa Senado. Masalimuot ang animal na DAP kung kaya ang advice ng beteranong senador na kaalyado sa loob ng maraming taon nina Sen. Ninoy at Tita Cory, tanggalin nang lubusan ito at presto, tapos ang kontrobersiya!


Sabi nga ni Sen. Joker, mas buwenas si Tita Cory kesa kanyang anak na si PNoy dahil noong si Mrs. Aquino ang Pangulo at katakut-takot ang batikos sa kanya, ang mga cabinet member niya, tulad nina Teddy Locsin, Fulgencio Factoran atbp ang sumasangga sa mga kritisismo ng mga kalaban sa pulitika.


Pero kaiba ngayon ang mga cabinet member o kaalyado ni PNoy. Sa kapalpakan na kagagawan nila na ang sisi ay nabubunton sa adminis-trasyon, sa halip na sila ang humarang “at tumanggap ng mga bala” na ibinabaril kay PNoy, sila pa ang nagtatago sa likuran at pantalon ng Pangulo at mag-isa itong nagdedepensa sa kanila tulad ng kontrobersiyal na DAP, presidential social fund, Malampaya Fund, PCSO at Pagcor na pinagkukunan ng bilyun-bilyong piso ng Malakanyang na diumano ay maituturing ding pork barrel ng Pangulo!


Batay sa pinakahuling balita, may 10 pang lawmaker ang nahaharap sa mga kaso kaugnay ng pork barrel scam na ang nasa likod ay si JLN. Wala raw sasantuhin ang Department of Justice kung ang 10 solon ay kaalyado o hindi ni PNoy. Sige nga, maghihintay ang taumbayan kung sila ay iimbestigahan din at kakasuhan. Sec. De Lima, sinu-sino ba sila? Pangalanan mo at nang malantad sila sa publiko!


.. Continue: Balita.net.ph (source)



MAHIRAP MAKUMBINSI


No comments:

Post a Comment