Tuesday, November 12, 2013

DELUBYO

Hindi pa halos napapawi ang bangis ng super typhoon Yolanda, dinaluhong na naman tayo ng isa pang bagyo – si Zoraida – na nanalasa sa maraming lalawigan sa Mindanao. Bagama’t hindi sinlakas ni Yolanda, si Zoraida ay naghatid naman ng nakakikilabot na mensahe: ayaw tayong tigilan ng delubyo na likha ng kalikasan. Kung minsan ay pabiro nating naitatanong: hindi kaya ito kagagawan ng mga buhong, mapagsamantala at maiitim ang budhing mga nilikha.



Talagang kalunos-lunos ang pananalanta ni Yolanda sa Mindanao at Visayas, lalo na sa Tacloban City. Buong-linaw na inilarawan ng local at international media ang nawasak na mga bahay, nabuwal na mga punongkahoy at electric post na naghambalang sa lahat halos ng kalsada sa mga lalawigan; ang hindi-birong kadiliman na sumaklot sa kapaligiran, bukod pa rito ang nakalululang halaga ng mga napinsalang mga ari-arian. May ulat na ang ilang kotse ay tinangay ng baha at natagpuang nakapatong sa bubungan ng mga bahay.


Hanggang ngayon, wala pang maliwanag na bilang ng ating mga kababayang namatay at nawawala. Huwag naman sanang magkatotoo, subalit sinasabi na maaaring umabot sa libu-libong kaluluwa ang hindi pinatawad ni Yolanda. Katunayan, marami umanong natabunan ng mga guho at landslide; ang iba ay inianod sa karagatan; maaaring may mga nananatiling buhay at palutang-lutang sa tubig, tulad ng nangyari sa Cagayan de Oro nang ito ay binagyo.


Dahil dito, wala nang dapat atupagin kaagad ang lahat – hindi lamang ng gobyerno – kundi saklolohan ang mga biktima ng matinding kalamidad. Walang daan ang pagtuturuan, pagsisisihan at pag-iiringan na may kaakibat na pulitika. At lalong hindi dapat maganap ang kawalan ng pakikiramay – isang kabaligtaran ng mga nakawan o looting sa mga mall sa Tacloban City.


Salamat at patuloy ang pagbuhos ng saklolo mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Totoo, may mga ulat na matamlay ang pagsaklolo ng ilang sektor dahil umano sa nagaganap na kaliwa’t kanang anomalya sa ating bansa. Pero sa kabuuan, naroroon ang tunay na pagdamay sa panahon ng delubyo.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



DELUBYO


No comments:

Post a Comment