Friday, November 1, 2013

Arabo na magmamalupit sa Pinoy kasambahay, pagmumultahin – DoLE

Ni Samuel Medenilla


Inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na pananagutin na ng Saudi government ang kanilang mamamayan na magmamalupit sa mga Filipino household service worker (HSW), kabilang ang pagbabayad ng multang 2,000 Saudi Riyal o P23,000.



Ito ay matapos aprubahan nitong nakaraang linggo ng gobyernong Saudi ang Resolution No. 310 o Household Regulation on Service Workers and Similar Categories, na nagbibigay proteksiyon sa karapatan ng mga migrant HSW sa Kingdom of Saudi Arabia.


Sinabi ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz na ang resolusyon ay resulta ng Philippine-Saudi bilateral agreement na nilagdaan sa unang bahagi ng 2013 upang mapangalagaan ang kalagayan ng mga Pinoy HSW sa Saudi.


Ani Baldoz, nakasaad sa probisyon ng resolusyon ang pagpapataw ng mabigat na multa sa kapwa employer at Pinoy HSW kapag sila ay lumabag sa kanilang nilagdaang kontrata.


Ang iba pang maseselang bahagi ng resolusyon ay hindi maaaring puwersahin ang mga Pinoy HSW na gumawa ng mga trabaho na labas sa kanilang kontrata at pagbibigay ng kanilang sahod sa tuwing katapusan ng buwan.


Kabilang din sa resolusyon ang mga sumusunod: siyam na oras na pahinga; isang araw na pahinga kada linggo; one-month leave matapos ang dalawang taong serbisyo; paid sick leave na hindi lalagpas sa 30 araw; health care na naaayon sa batas at regulasyon ng Saudi Arabia; at end-of-service benefits na katumbas ng isang buwang suweldo matapos ang apat na taon.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Arabo na magmamalupit sa Pinoy kasambahay, pagmumultahin – DoLE


No comments:

Post a Comment