Tuesday, November 19, 2013

3,200 classroom, sinira ng ‘Yolanda’; ilang lugar, nagkaklase na

Nina Mac Cabreros at Ina Hernando-Malipot


Mahigit 3,200 silid-aralan ang sinira ng super bagyong ‘Yolanda’, iniulat ng Department of Education (DepEd).


Sa press conference, tinaya ni Education Secretary Bro. Armin A. Luistro na batay sa inisyal na ulat, mahigit 3,200 silid-aralan ang nasira at patuloy na tumataas ang nasabing bilang.



“Tantiya namin, tataas pa ito (3,200) at umaasa tayo na hindi lalagpas sa 4,000 kundi malaking problema,” sabi ni Luistro.


Aniya, makakayanan pa ng budget ng DepEd ang nasabing bilang.


“Kung lagpas sa 4,000, malamang ire-realign namin ang 2104 budget,” sabi Luistro.


Inihayag din ng kalihim na nagbalik na ang klase sa Region 4-B, maliban sa Coron at Culion sa Palawan; Region 6 maliban sa North Iloilo at Antique, habang three districts sa Aklan, gayundin sa Region 7, samantalang sa Region 8, na lubhang apektado ng bagyo, ay mangilan-ilan ang nagklase.


Ipinabatid ni Luistro na isinasagawa ang klase sa mga makeshift classroom, gaya ng tent at mga gawa sa nipa at coco lumber.


Aniya, mahalaga na maibalik agad ang klase sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda para mabilang ang mga estudyante at mabigyan ng debriefing para makabangon mula sa bangungot ng kalamidad ang mga bata.


Iniulat din ni Luistro na dalawang guro at isang division employee ang nasawi.


KAWANI, SUSUWELDO PA RIN

Samantala, sinabi rin ni Luistro sa nasabing press conference na matatanggap pa rin ng mga teaching at non-teaching personnel ng DepEd ang kani-kanilang suweldo at iba pang benepisyo.


Aniya, nag-uusap na ang DepEd at Development Bank of the Philippines (DBP) para sa mga paraan upang mapahintulutan ang mga kawani ng kagawaran na ma-withdraw ang kanilang suweldo ngayong Nobyembre, ang natitirang bonus (na ang kalahati ay ibinigay na noong Mayo) at P5,000 cash gift.


“Once the salaries are released they can withdraw from any DBP branch,” ani Luistro.


Sinabi pa ng kalihim na ang mga kawani ng DepEd na nawalan ng ATM card “will be issued a new one at ant DBP branch if they present their ID or any proof of identity.”


.. Continue: Balita.net.ph (source)



3,200 classroom, sinira ng ‘Yolanda’; ilang lugar, nagkaklase na


No comments:

Post a Comment