AMINADO ang Senate Committee on Public Services Sub-Committee na may kakulangan ang pagpapatakbo sa MRT-3 at kwestyonable rin ang pagkakuha ng kontrata ng maintenenace nito.
Ito ang assessment ni Sen. Grace Poe, sub-committee chairman sa unang pagdinig nito nitong Setyembre 1, 2014, kaugnay sa magkakasunod na kapalpakan na bumabalot sa MRT-3.
“Umpisa pa lang sa dati pang administrasyon ang pag-aari ng MRT na ‘yan ay talagang nakakalito pero masakit mang aminin meron talagang kakulangan ang pagpapatakbo ng ating MRT,” saad ng lady solon.
Sa kabila nito, sa halip aniya na magbintang kung sino-sino ang dapat sisihin sa magkakasunod na aberya ng MRT, makabubuting maghanap na lang ng solusyon sa problema.
Magkakaroon aniya ng panibagong bidding para sa maintenance contract ng MRT sa Setyembre 5, 2014, dapat tiyakin ng ahensyang nagbabantay dito na hindi na palpak o sasabit ang kontrata.
Bagama’t kulang pa ang nasabing pagdinig dahil marami pang katanungan at dokumentong dapat isumite sa komite, ipinagpasalamat ni Poe ang pagdalo ng resource persons mula sa iba’t ibang ahensya (DOTC, LTFRB, etc.).
“Hindi ito nangangahulugan na kuntento na tayo sa lahat ng kasagutan,” aniya.
Dahil dito, dapat aniya na itulak ang isang panuklang batas na magkaroon ng isang National Transport Safety Board na magbabantay sa mga nagbabantay.
Nitong Biyernes, hindi inaasahan ang pagkasakay ng senador sa MRT-3 mula North Avenue station hanggang sa Pasay-Taft na tumagal ng isa’t kalahating oras.
Bukod pa ito sa 40-minutong ipinila ng solon bago pa makaakyat sa unang istasyon.
Bumulaga din sa kanya ang sirang ticketing machines at escalators sa dalawang MRT stations.
Si Poe ang namuno sa nasabing komite na hawak ni Sen. Bong Revilla na nakakulong ngayon sa Camp Crame dahil sa kasong plunder. Linda Bohol
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment