MISMONG si Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang nanguna sa pagsisimula kahapon ng mass vaccination sa mga bata laban sa tigdas at polio.
Layunin ng programa, na pinangungunahan ng Department of Health (DOH), na mabakunahan laban sa tigdas at polio ang mga batang bagong silang pa lamang hanggang limang taong gulang pa lamang, kahit pa naninirahan sila sa mga liblib na lugar sa bansa.
Inasistehan ni Health Secretary Enrique Ona ang Pangulong Aquino sa ceremonial distribution ng oral polio vaccines sa dalawang bata bilang hudyat ng pagsisimula ng programa.
Ang naturang measles-rubella oral polio mass vaccination campaign ay inaasahang magtatagal ng isang buwan.
Layunin nitong masakop ang 95 porsyento ng lahat ng lalawigan, siyudad, munisipalidad at barangay sa bansa.
Inilunsad ng DOH ang measles immunization campaign upang matugunanang problema sa measles outbreak na nagsimula noong huling bahagi ng taong 2013.
Isinama naman sa programa ang pagbibigay ng oral polio vaccine upang mabawasan ang panganib nang pagkalat ng wild polio virus na mula sa mga polio endemic countries.
Maaaring magpabakuna ng measles-rubella ang mga batang nagkaka-edad ng 9-buwan hanggang 59-buwang gulang, habang bibigyan naman ng oral polio vaccine ang mga batang nagkaka-edad ng 0 months hanggang five-years old.
Maaaring dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa health centers na pinakamalapit sa tahanan simula kahapon, Setyembre 1 hanggang 30, 2014 para sa libreng vaccination. Macs Borja
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment