KAMAKAILAN ay ipinagmalaki nitong si PNP Director General Alan Purisima ang diumano’y pagbaba ng crime statistic sa ating bansa bilang patunay sa diumano’y maganda niyang pamamalakad.
Ayon kay Purisima, bumaba umano ng 15% ang krimen sa bansa sa loob ng unang anim na buwan nitong taon 2014.
Nagtataka tuloy ako kung anong bansa ang tinutukoy nitong si Purisima dahil sa pagkakaalam ko ay sunod-sunod at walang patid ang mga panggahasa at pamamaslang magmula noong umupo itong si Purisima.
Nitong taon lang na ito ay hindi na natin mabilang ang dami ng mga pagpatay na ang may kagagawan ay itong mga tinatawag na riding-in-tandem.
Nag-iilusyon na naman itong si Purisima?
Eh, mukhang itong Quezon City Police District sa ilalim ni Chief Supt. Richard Albano ang nakikita nating nakagagawa ng mabuti upang magkaroon naman ng accomplishment ang PNP.
Kung wala pa siguro itong si Albano na siya ring dahilan upang malutas ang ilang high profile crime, kasama na rito ang pagpaslang kay Enzo Pastor, ay malamang na wala na talagang maipagmamalaki itong si Purisima.
Ang masaklap ay hindi na nga gumagawa ng mabuti itong si Purisima ay kaliwa’t kanan pa ang mga kontrobersyang kanyang kinakasangkutan, kasama na rito ang mga alegasyong may kinalaman sa korapsyon.
Ano na ba ang nangyari sa isyu tungkol sa WerFast na nagkamal ng limpak-limpak na salapi mula sa ating mga gun license applicant?
Hindi pa natin isinasama riyan ang tungkol sa pagpapagawa ng kanyang mansyon sa loob ng Camp Crame.
Ngayon naman ay balak nitong si Purisima na palitan ng security guard ang mga itatalagang bantay sa Camp Crame upang diumano ay magamit ang mga pulis na nakatalaga sa kampo sa anti-crime operation.
Sus naman, sir, lumang tugtugin na iyan.
Magkano na naman kaya ang dahilan at naisip niyo na naman ang ganitong kalokohan?
Hindi pa ba sapat ang kinikita ninyo sa mga paulit-ulit na fee na binabayaran ng mga nag-aaplay ng lisensya ng baril?
Kung sabagay ay kahit anong katarantaduhan ang ginagawa nitong si Purisima ay tila balewala lahat ito kay PNoy.
Tila hindi pa nakamo-move on itong si Pnoy sa kanyang utang na loob kay Purisima.
But don’t worry folks, malakas ang kutob ko na kapag nawala na sa kapangyarihan itong si PNoy ay tiyak na isa itong si Purisima ang itatapon naman sa kulungan dahil sa kasong pandarambong.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/Gil Bugaoisan
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment